ROOFTOP NG LODGING INN SA QUIAPO NASUNOG

TUMAGAL ng halos mahigit isang oras bago idineklarang fire-out ang nangyaring sunog sa rooftop sa isang lodging inn sa Globo De Oro Street, Quiapo, Manila nitong Miyerkoles ng umaga.

Ayon sa report ni Police Lieutenant Colonel Roberto Mupas, commander ng Manila Police District – Barbosa Police Station 14, bandang alas-6:15 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa rooftop ng Shairah Lodge PADPO sa Barangay 384 sa Quiapo.

Agad nagresponde ang mga awtoridad upang mapigilan ang posibleng magsamantala sa insidente saka agad na ipinagbigay-alam sa Bureau of Fire Protection (BFP) na mabilis namang nagresponde.

Ayon sa ulat ni Fire Officer 3 Louie Ebio ng Arson Division, dakong 7:18 ng umaga nang ideklarang fire under control ang sunog at dakong 7:53 nang ideklarang fire-out.

Tinatayang umabot ng P225,000 ang halaga ng pinsala at wala namang iniulat na casualty o nasaktan sa sunog maliban sa naranasang tensyon ng ilang naka-check-in sa naturang lodging house.

(RENE CRISOSTOMO)

288

Related posts

Leave a Comment