Sa Oplan Katok at Kontra Boga LIBONG ARMAS NASAMSAM NG EPD

MAHIGIT isang libong iba’t ibang armas ang nasamsam sa “Oplan Katok” at “Oplan Kontra Boga” na maigting na ipinatupad ng Eastern Police District (EPD-PNP).

Ayon kay P/BGen. Orlando Yebra Jr., EPD District Director, resulta ito ng ikinasang operasyon ng apat na police station ng San Juan, Mandaluyong, Pasig at Marikina PNP mula Enero 2021 hanggang ngayong buwan.

Nakumpiska ng pulisya ang 120 piraso ng iba’t ibang kalibre ng baril sa “Oplan Kontra Boga” na isinagawa para maiwasan ang paggamit ng mga loose firearm sa krimen.

Resulta rin ito ng kaliwa’t kanang checkpoint, anti-drug operation, search warrant at maagap na responde o aksyon sa mga reklamo mula sa taong bayan.

Ayon sa ulat, naitala ng Pasig PNP ang 72 kumpiskadong baril; Mandaluyong, 18; Marikina, 22, at San Juan na nakarekober ng walong piraso ng baril.

Nabatid kay Yebra, naglatag ng direktiba si OIC-PNP Lt. Gen. Vicente Danao Jr. sa lahat ng unit ng pulisya sa buong bansa na ipresenta sa publiko ang imbentaryo ng nakumpiskang mga baril bilang ebidensya sa pamamagitan ng forensic unit na, siyang opisyal na nag-imbentaryo at nagkustodiya ng kumpiskadong mga armas bilang ebidensya.

Bukod dito, pinalakas din ng EPD ang kampanya sa “Oplan Katok” na nagresulta sa 1,044 ng mga baril o short at long firearms na boluntaryong isinuko ng mga may-ari na hindi nairehistro mula Enero 2022 hanggang ngayong buwan.

Base sa pagkakasunod, naitala ng Pasig PNP ang 166 na surrendered firearms, Mandaluyong, 288; Marikina, 298, at San Juan, 292. (ENOCK ECHAGUE)

86

Related posts

Leave a Comment