TASK FORCE EL NIÑO BINUHAY NG DEFENSE DEPARTMENT

BINUHAY ng Department of National Defense ang Task Force El Niño bilang paghahanda sa magiging epekto ng inaasahang paglubha ng tagtuyot sa bansa.

Mismong si Defense Secretary Gilberto Teodoro ang namuno sa re-activation and reconstitution ng Task Force El Niño sa ilalim ng Executive Order No. 53, sa ginanap na pagtitipon sa Camp Aguinaldo, Quezon City kahapon.

Ang pulong ay pinangunahan ni Secretary Teodoro bilang siyang chairperson ng Task Force El Nino (TFEN).

Ang E.O. 53 ay naging epektibo noong Enero 19, 2024, kung saan umaktong co-chairperson ng TFEN si Science and Technology Secretary Renato U. Solidum Jr. kasama sina Environment and Natural Resources Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., Health Secretary Teodoro J. Herbosa, at NEDA Secretary Arsenio M. Balisacan.

Base sa Executive Order No.53, binibigyan ng awtoridad ang Task Force El Niño na humingi ng tulong sa ibang mga tanggapan o ahensya ng pamahalaan para sa pagpapatupad ng kanilang mga programa, tungkulin at mga plano.

Sa ilalim ng Section 4 ng E.O. 53, magtatakda ng El Niño Online Platform para pagkalooban ang publiko ng relevant at timely information upang makatulong na makapagplano at makatugon sa kasagsagan ng El Niño.

Bukod dito, magtatalaga rin ng isang dedicated spokesperson na siyang tutugon sa mga katanungan at pagpapakalat ng accurate information para sa publiko.

“If necessary, President Ferdinand R. Marcos Jr. and all relevant stakeholders shall be informed of current and projected situations, and of the need for appropriate actions and interventions to mitigate and manage effectively the effects of El Niño,” pahayag pa ng kagawaran.

Una nang ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Task Force El Niño na bumuo ng online platform.

Ito’y bilang bahagi ng pinaigting na hakbang laban sa posibleng epekto ng El Niño.

Kaugnay nito, inatasan ni Pangulong Marcos Jr., ang Task Force El Niño na makipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) para bumuo ng online platform na magsisilbing centralized database.

Ito’y para sa makukuhang datos at impormasyon na may kaugnayan sa El Niño. Magsisilbi rin itong suporta para sa magiging desisyon ng gobyerno.

(JESSE KABEL RUIZ)

151

Related posts

Leave a Comment