TASK FORCE EL NIÑO NILIKHA NG NDRRMC

ALINSUNOD sa direktiba ng Palasyo, lumikha ng isang special task force ang National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) sa ngaring tutukan at tugunan ang epekto ng matinding init na dala ng El Niño.

Sa paglikha ng Task Force El Niño Team,  saklaw ng atas ang pagkalap ng datos at pagtataya sa nakaambang peligro hanggang sa susunod na taon.

Una nang inatasan ni Pangulo Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng tanggapan ng gobyerno na magtulong-tulong na tugunan ang hamon ng El Niño sa bisa ng ‘whole of government approach.’
Ayon kay Office of Civil Defense (OCD) Spokesperson Raffy Alejandro, magkakaroon ng serye ng pagpupulong ang NDRRMC para paghandaan ang inaasahang mahabang ‘dry spell’ sa buong kapuluan.

Kabilang sa Task Force El Niño ang mga tanggapan sa ilalim ng Department of the Interior and Local Government, Department of Agriculture, Department of Environment and Natural Resources, Department of Energy, Department of Health, Department of Science and Technology, OCD, National Economic and Development Authority, National Irrigation Administration at Metropolitan Waterworks and Sewerage System.

Tatayo naman bilang support team ang Presidential Communications Office, Department of Trade and Industry, National Water Resources Board at Armed Forces of the Philippines. (JESSE KABEL RUIZ)

432

Related posts

Leave a Comment