VAWC OFFENDER TIKLO SA MPD-DPIOU

NABITAG ng mga operatiba ng District Police Investigation Operation Unit (DPIOU) ng Manila Police District ang isang 36-anyos na chef sa bisa ng warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa Republic Act 9262 (Anti-Violence Against Women and their Children Act)  sa loob ng isang restaurant sa Gatan Village, Burgos Avenue, Good Samaritan, Cabanatuan City noong Sabado ng gabi.

Kinilala ni Police Colonel Samuel Pabonita, hepe ng District Investigation Unit ng MPD, ang suspek na si Gaudioso Alburo Jr., may asawa ng Macatbong, Cabanatuan City.

Batay sa ulat ni Police Captain Rufino Casagan, hepe ng DPIOU, kasama niya si Police Master Sergeant Redentor Quilala, at ilan nitong tauhan sa isinagawang operasyon na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Inaresto ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Presiding Judge Bienvenido Barrios Jr., ng Regional Trial Court, Branch 13, ng Kalibo, Aklan sa kasong paglabag sa RA 9262.

Ang operasyon ay isinagawa kaugnay sa ipinatutupad na “Manhunt Charlie” at programa ni Police Brigadier General “The game Changer” Andre P. Dizon, na Oplan Galugad at Simultaneous Anti-Criminality Law Operation (SACLEO).

Samantala, habang pinoproseso ang mga dokumento ng pag-aresto bandang alas-2:00 ng hapon nitong Lunes sa opisina ng DPIOU, nadiskubreng may nakabinbin pang kaso ang suspek.

Bunsod nito, inihain ni Police Master Sergeant Quilala sa suspek ang warrant of arrest dahil sa kasong paglabag sa RA 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act). (RENE CRISOSTOMO)

148

Related posts

Leave a Comment