UNANG KADIWA SA BICOL INILUNSAD

MAHIGIT 500 Kadiwa ng Pangulo outlets na ang nailunsad ng pamahalaan sa iba’t ibang panig ng bansa.

Karagdagan dito ang inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na unang Kadiwa ng Pangulo sa Bicol Region.

Layon ng kanyang pamahalaan na maitawid ang P20 kada kilo ng bigas upang maging mas affordable o abot-kaya ng mga Pilipino.

Sa talumpati ng Pangulo sa paglulunsad ng Kadiwa sa Pili, Camarines Sur, sinabi nito na ang programa, nagsimula bilang Kadiwa ng Pasko noong nakaraang taon, ay naging matagumpay sa paghahain ng abot-kayang halaga ng mga pangunahing bilihin sa tao.

“Makikita ninyo, halimbawa ‘yung bigas, ‘yung aking pangarap na sinabi na noong bago akong upo na sana mapababa natin ang presyo ng bigas ng P20. Hindi pa tayo umaabot doon, dahan-dahan palapit. Nasa P25 na tayo. Kaunti na lang, maibababa natin ‘yan,” ayon sa Pangulo.
“Tapos ‘yung ginawa natin, halimbawa doon sa sibuyas, ganoon din para… Biglang nagtaasan lahat eh kulang sa produksyon. Ginawa namin ay dinagdagan namin para bumaba rin ang presyo,” dagdag na wika ng Pangulo.

Sa kabilang dako, tinukoy naman ng Punong Ehekutibo ang kahalintulad na inisyatiba na ginamit ng pamahalaan nang sumirit ang presyo ng asukal sa mahigit P100 kada kilo, ang presyo ng asukal ngayon ay P85 kada kilo.

Bukod sa layuning bigyan ng murang presyo ng basic goods ang mga mamimili, layon din ng programa na tulungan ang mga lokal na magsasaka at producers na magkaroon ng direct access sa merkado.

Sa  Kadiwa outlets, nagbebenta rin ang National Food Authority (NFA) ng bigas sa mababang presyo habang ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) naman ay nag-aalok ng “affordable” seafood products sa mga mamimili. (CHRISTIAN DALE)

31

Related posts

Leave a Comment