WANTED NA JORDANIAN NAKATAKAS MULA SA BI

NAGKASA ng manhunt operation ang mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) laban sa isang Jordanian national na tumakas matapos dumalo sa pagdinig ng kanyang kaso sa korte sa Makati City noong Martes.

Kinilala ang suspek na si Tarek Nihad Siam, 47-taong gulang. Unang naaresto si Siam noong 2022 ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kasong illegal possession of firearms at physical injuries.
Napag-alaman mula sa Interpol na wanted din sa Abu Dhabi si Siam dahil sa kasong assault at alcohol abuse.

Paliwanag ng BI officers na nag-escort Kay Siam, nagtungo sila ng Makati City Regional Trial Court Branch 237 noong Enero 16, para sa pagdinig ng mga lokal na kaso nito. Matapos ang pagdinig, nagpaalam ang suspek na gagamit ng banyo na pinayagan naman habang isang ahente ng BI ang nakabantay sa pintuan.

Naghinala ang bantay dahil matagal lumabas ng banyo ang dayuhan. Bunsod nito, puwersahan nilang binuksan ang pinto ng banyo ngunit wala na si Siam na hinihinalang lumabas sa pamamagitan ng maliit na bintana.

Sinibak na sa trabaho ang dalawang “job order” na tauhan ng BI, habang ang kanilang team leader na isang organic employee, ay mahaharap sa kaukulang kaso matapos ang isinasagawang imbestigasyon.

Isang manhunt order ang inilabas ni Commissioner Norman Tansingco, habang nakipagkoordinasyon sa lokal na mga awtoridad para mahanap ang dayuhan.

(JOCELYN DOMENDEN)

44

Related posts

Leave a Comment