KAPE at BRANDY ni SONNY T. MALLARI
LUMIKHA ng kontrobersya ang nangyaring raid kamakailan sa isang warehouse na naglalaman ng mga ilegal na sigarilyo sa Sta. Maria, Bulacan.
Palaisipan pa rin sa marami kung ano ba talaga ang totoong nangyari sa pagitan ng mga ahente ng Bureau of Customs at mga tauhan ng Metro Manila Regional Highway Patrol Group.
Sa social media post ng veteran broadcaster Ramon Tulfo, sinabi niyang hinaras at dinisarmahan ang mga ahente ng BOC nang kinukumpiska ng HPG-NCR ang mga puslit na sigarilyo mula sa isang warehouse sa Bulacan.
Ngunit taliwas ito sa spot report na nilabas ng HPG-NCR kaya hindi maiwasan mag-isip ang mga ‘marites’ na kung totoo ang alegasyon ng mga pulis ay posibleng may BOC cover-up sa nangyayari.
Hindi rin natin masisisi ang mga may malikot na kaisipan dahil hindi naman lingid sa kaalaman ng lahat na may mangilan-ngilan sa ahensya na pinaghihinalaang sangkot sa pagbebenta ng iligal na sigarilyo.
Ang ni-raid na warehouse ng HPG-NCR ay katabi lamang ng isang pasilidad na nagsisilbing condemnation site ng BOC para sa mga nasabat at nakumpiskang kontrabando.
Sa panig ng HPG-NCR, pinangangatawanan nilang lehitimo ang kanilang trabaho katunayan ay may mga kasama pa umano silang kinatawan ng DTI. Ngunit nagkaroon ng kalituhan anila sa itinuro sa kanilang lugar.
“Kumpleto ang mga dokumentong nagpapatunay na lehitimo ang kanilang operasyon,” saad ng isang source na may sapat na kaalaman sa nasabing HPG-NCR raid.
“Hintayin natin ang resulta ng isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang totoong nangyayari,” dagdag pa niya.
Maalala ko lang, hindi ito ang unang pagkakataon na nasangkot ang BOC sa kontrobersya o kaya sa mga alegasyon ng ilegal na gawain ang mga kawani nito.
Nasibak noon sa kanyang pwesto si Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) field station chief Paul Oliver Pacunayen habang isinasagawa ang masusing imbestigasyon ng BOC sa alegasyon ng korapsyon laban kay Pacunayen.
Si Pacunayen ay kasama sa nabanggit sa liham na ipinadala kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng mga concerned officials, employees, at stakeholders ng BOC kung saan inireklamo ang pagbabalik ng talamak na ismagling sa pantalan.
Nabanggit din sa nasabing liham si CIIS Director Thomas Narcise.
Mahigit kalahating taon na ang lumipas pero walang pa ring nilalabas na kahit anong resulta tungkol dito na pinangako noon ni Customs Commissioner Ariel Nepomuceno na kanyang inanunsyo pa pati ang nararapat na kaparusahan kung kinakailangan.
Si dating Deputy Commissioner for Intelligence Romy Rosales ang itinalagang mamuno sa imbestigasyon. Subalit nauna pa ang kanyang pagbitiw sa pwesto kaya’t mukhang nabaon na sa limot ang reklamo laban kay Pacunayen.
Ano na kaya ang nangyari sa dalawang taong ito? Gusto sana natin alamin mula kay commissioner ang update sa kanila. Di kaya nagkaroon na rin siya ng amnesia kaya pati siya ay nakalimot? O kaya nagkibit-balikat na lamang siya.
71 