‘RESPETO SA LIDERATO, RESPETO SA SAN JOSEÑO’

TARGET ni KA REX CAYANONG

SA isang komunidad, normal lamang ang pagkakaroon ng magkakaibang pananaw. Hindi naman lahat ay kailangang sumang-ayon sa bawat desisyon ng isang lider.

Ngunit may hangganan ang malayang pagpapahayag. Kapag nauuwi na sa pambabastos at panlalait, nawawala ang tunay na layunin ng isang makabuluhang diskurso.

Ito ang mahalagang punto sa naging pahayag ni San Jose del Monte, Bulacan Mayor Rida Robes sa Ate Rida Basketball Cup 2026.

Bago pa man siya magsalita, narinig umano ang ilang sumisigaw ng “Tubig, Tubig.”

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ng alkalde ang kanyang pagkadismaya sa kawalan daw ng respeto sa kanya at sa kanyang mga kasamang opisyal sa mismong lugar ng palaro.

Bagama’t wala siyang direktang binanggit na pangalan, malinaw ang kanyang panawagan na hindi dapat maging normal ang pambabastos sa mga pampublikong okasyon.

Hindi kailangang sang-ayunan ng lahat si Mayor Robes. Bilang isang halal na opisyal, bahagi ng kanyang tungkulin ang tumanggap ng puna, pagtatanong at maging kritisismo mula sa publiko.

Ngunit ang pagkakaroon ng karapatang pumuna ay hindi nangangahulugang may karapatan nang mang-insulto o manghamak.

Maaaring ipahayag ang saloobin nang mahinahon. Maaaring kuwestiyunin ang isang polisiya nang may respeto. At maaaring hindi sumang-ayon nang hindi kinakailangang sirain ang dignidad ng isang tao.

Lalo itong mahalaga sa harap ng mga kabataan. Ang isang palaro na dapat sana ay nagsusulong ng sportsmanship, disiplina at pagkakaisa ay hindi dapat maging lugar ng personalan at pambabastos.

Kung may mga isyung nais iharap sa alkalde o sa pamahalaang lungsod, mas makabubuting pag-usapan ang mga ito sa tamang paraan at sa tamang lugar.

Hindi rin dapat maging dahilan ang social media upang maging malupit ang pananalita.

Sa likod ng isang public figure ay isang taong may damdamin at pamilyang maaari ring masaktan.

Bilang mayor, maaaring hindi perpekto si Robes at maaaring may mga desisyong hindi sinasang-ayunan ng ilan. Ngunit hindi nito inaalis ang respeto na nararapat sa isang halal na lingkod-bayan.

Ang respeto ay hindi nangangahulugang pagsang-ayon. Sa halip, ipinakikita nitong kaya nating maging kritikal habang nananatiling maayos, responsable at makatao.

Masasabing sa huli, hindi dapat manaig ang personal na hidwaan. Ang tunay na dapat manaig ay ang kapakanan ng San Jose del Monte at ang pagkakaisa ng mga San Joseño.

Dahil ang isang lungsod ay hindi lamang binubuo ng mga opisyal nito.

Aba’y binubuo rin ito ng mamamayang marunong makinig, pumuna, umunawa at higit sa lahat, gumagalang sa isa’t isa.

63

Related posts

Leave a Comment