GOV. DANIEL FERNANDO, KAPANI-PANIWALA BANG WALANG ALAM?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

VIRAL kamakailan ang interview ng batikang broadcaster na si Ted Failon kay Bulacan Gov. Daniel Fernando.

Ginisa ni Manong Ted si Fernando sa issue ng P41 bilyong Flood Control fund para sa Bulacan.

Paanong hindi gigisahin ‘yang si Gob, ilang bayan sa Bulacan ang lubog sa baha at karamihan sa mga ito kahit walang ulan ay lubog pa rin sa baha. Pero walang malinaw na ginagawa si Gob para solusyunan ang problema.

Ayon kay Gob, wala siyang alam sa bilyon-bilyong halaga ng pondo na proyekto umano ng national, puro pagpapagawa raw ng kalsada ang kanyang proyekto.

Kahit na national budget ang naglaan para sa proyekto, bilang pinakamataas na opisyal ng lalawigan, parang ayokong maniwala na walang alam si Gob sa mga ito.

Hindi ako naniniwalang basta maghuhukay na lang at magtatambak na lang ang kung aling ahensya sa kanyang nasasakupan nang hindi niya aalamin kung para saan at kung ano ang gagawin.

Hindi ba inaalam ni Gob sa mga alkaldeng nasasakupan niya kung ano ang mga problemang dapat nitong hanapan ng solusyon at pagtuunan ng pansin?

Hindi kasi katuwiran na hindi niya kaalyado ang ilan sa mga alkalde ng mga binabahang bayan. Hindi porke hindi mo kaalyado, hahayaan mo na lang na lumubog ang mga bayan na ‘yun. Baka nakalimutan ni Gob na gobernador siya ng buong probinsya, hindi lang ng iilang bayan sa Bulacan.

Noong panahon ng pandemic, personal kong nakita ang kalagayan ng mga residente ng Hagonoy, Bulacan, parang tinanggap na lang ng mga tao roon na parte na ng buhay nila ang araw-araw na lubog sila sa baha.

Pero hindi dapat ganoon. Marami nang pag-aaral ang mga eksperto sa mga paraang makatutulong na maibsan ang baha. Sa laki ng pondong inilalaan sa mga provincial, bukod pa sa mga national budget, maraming proyekto ang magagawa upang tulungan ang mga taga-Bulacan

Mukhang iniaasa na lang ng pamunuan ng Bulacan ang paggawa ng solusyon sa baha, sa mga pribadong kumpanya katulad ng San Miguel Corporation na nagpapatayo ng airport sa nasabing probinsya.

Menos gastos na nga ang probinsya, ‘di pa maprayoridad.

68

Related posts

Leave a Comment