BARDAGULAN SA BBM ADMIN: CASTRO VS GUEVARRA

NAGPATUTSADAHAN kahapon ang dalawang opisyal sa gabinete ng Marcos Jr. admin kaugnay sa reklamong dulot ng pagpapahuli kay dating pangulong Rodrigo Duterte.

Naunang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro na dapat i-assess mabuti ni Solicitor General Menardo Guevarra ang kanyang sarili kung karapat-dapat pa ba siyang maging chief lawyer ng gobyerno.

Ito’y matapos umatras ang OSG na maging kinatawan ng pamahalaan hinggil sa pinag-isa na petitions for habeas corpus na isinampa sa Korte Suprema ng mga anak ni Duterte.

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Castro na mismong si Guevarra ang nagsabi na maaaring hindi maging epektibong kinatawan ng respondents sa petisyon ang Office of the Solicitor General (OSG).

Aniya, malinaw naman sa manipestasyon ng OSG na umatras itong maging kinatawan ng mga opisyal ng gobyerno bilang respondents sa pinagsama-samang habeas corpus petitions na inihain ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte dahil kontra siya sa pagtulong ng Pilipinas sa Interpol.

“Okay. Sa kanya pong manifestation, sinabi… he wants to be—to recuse himself to represent because he cannot effectively represent the government. First, okay, ginagamit po kasi ito ng ibang mga partido na diumano naniniwala ang SolGen na may kamalian sa ginawa ng pamahalaan sa pakikipagtulungan sa Interpol.

Maliwanag po kung inyong nabasa ang manifestation po ni SolGen Menardo Guevarra,” ani Castro.

“Binanggit lamang po niya na siya po ay naniniwala na walang hurisdiksyon ang ICC sa Pilipinas, iyan din naman po ang tinuran noon pa ng Pangulo. Pero hindi po niya nabanggit kailanman sa kanyang manifestation na mali ang pakikipagtulungan ng gobyerno sa Interpol, iyon po,” aniya pa rin sabay sabing “So, kung hindi po niya kakayaning ipagtanggol ang gobyerno, ang mga opisyal po ng gobyerno na tumugon sa Interpol, siguro sa kaniya pong damdamin lamang po iyon.”

Bilang tugon ni Guevarra, nagpahayag ito ng, “Noted with thanks. The OSG is not only the government’s counsel; it is also the tribune of the people”.

Sa kabilang dako, sinabi naman ni Castro na walang napag-uusapan kung may posibilidad na palitan ang SolGen dahil nga sa pagkontra nito na tupdin ang mandato na maging kinatawan ng gobyerno sa mga kaso. (CHRISTIAN DALE)

25

Related posts

Leave a Comment