ONLINE RECRUITMENT PORTAL, DOJ ACADEMY INILUNSAD

INILUNSAD ng Department of Justice (DOJ) ang bagong online recruitment portal at DOJ Academy kasabay ng paggunita ni Justice Secretary Fredderick Vida sa unang taon niya bilang kalihim ng kagawaran.

Isinagawa ang paglulunsad sa ilalim ng programang “DOJ Connect and Learn,” kung saan ipinakilala ang DOJ Online Application System (DOJ-OAS) na naglalayong pabilisin at gawing mas maayos ang proseso ng pag-aaplay sa mga bakanteng posisyon sa kagawaran.

Sa pamamagitan ng DOJ-OAS, maaari nang magsumite ng aplikasyon online ang mga interesadong magtrabaho sa DOJ gamit ang kanilang Google accounts. Maaari rin nilang tingnan ang mga bakanteng posisyon batay sa trabahong nais pasukan at lokasyong kanilang pinili.

Pinadali rin ng sistema ang pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento dahil maaari nang isang beses lamang i-upload ng mga aplikante ang kanilang mga kredensyal at muling gamitin ang mga ito sa iba pang aplikasyon sa pamamagitan ng document vault.

Maaari ring subaybayan ng mga aplikante ang estado ng kanilang mga aplikasyon bago isumite ang mga ito sa DOJ Selection and Promotion Board.

Kasabay nito, inilunsad din ang DOJ Academy na magsisilbing pangunahing institusyon ng kagawaran para sa pagsasanay, pagpapaunlad ng kakayahan at pagbabahaginan ng kaalaman sa pagitan ng iba’t ibang ahensya.

(JULIET PACOT)

21

Related posts

Leave a Comment