PORMAL nang tinanggap ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pamumuno sa ASEAN Labour Inspection Committee (ALICOM) para sa 2027, sa ikaanim na pagpupulong ng komite na idinaos sa Clark Freeport Zone, Pampanga.
Ang pagtanggap ng Pilipinas sa chairmanship ay patunay ng pangako ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na pangalagaan ang karapatan ng mga manggagawa at itaas ang labor standards sa buong rehiyon.
Pangungunahan ng DOLE sa pamumuno ni Labor Secretary Francis A. Tolentino, ang ALICOM sa pagtutulak ng mga pangunahing polisiya sa worker protection at sa pagpapalakas ng praktikal na kooperasyon sa pagitan ng mga bansa sa larangan ng labor inspection.
Layunin ng Pilipinas na gawing tunay at ramdam sa workplace ang mga regional commitment — hindi lamang manatili sa mga kasunduan at dokumento.
Sa turnover ceremony, si DOLE Undersecretary Felipe Egargo Jr. ang pormal na tumanggap ng pagkapangulo sa ngalan ng Kagawaran.
Binigyang-diin ni Usec. Egargo na ang maagap na labor inspection ang tulay sa pagitan ng batas at ng aktuwal na kondisyon sa trabaho — sa pamamagitan ng pag-iwas sa panganib, pagbibigay ng malinaw na gabay sa regulasyon, at pagwawasto sa mga paglabag.
“Mahalaga ang inspeksyon sa paggawa upang maisakatuparan ang mga batas at polisiya sa paggawa sa mabisang proteksyon sa lugar ng trabaho, na nagpoprotekta sa karapatan ng mga manggagawa habang tinutulungan ang mga employer na maunawaan at matugunan ang kanilang mga obligasyon,” aniya.
Sa paglilipat ng pamumuno, kinilala ni Deputy Director Nazatulsima Che Hassan ng Department of Labour Peninsular Malaysia, ang mga nakamit sa ilalim ng pamumuno ng Malaysia. Pinuri niya ang mga labor inspector bilang frontliners sa pagtatanggol sa lakas-paggawa at binanggit ang mas mahigpit na pamantayan sa maayos na tirahan para sa lokal at migranteng manggagawa.
“Ang inyong dedikasyon ang tumitiyak na ang mga panrehiyong pangako ay hindi lamang sa papel kundi nagiging tunay na reyalidad sa mga pabrika, plantasyong pang-agrikultura, at mga lugar ng konstruksyon sa buong rehiyon,” pahayag niya.
Naglatag din ang komite ng action-oriented roadmap sa ilalim ng ALICOM Work Plan 2022–2030 na nakatuon sa apat na prayoridad: pagpapalakas ng kakayahan ng mga inspektor, pagpapabuti ng compliance sa informal economy at MSMEs, pagprotekta sa vulnerable workers sa agrikultura, pangingisda, pagmimina at domestic work, at paggamit ng digital tools para sa future of work.
Dumalo sa pulong ang focal points mula sa 10 ASEAN member states, observer delegation tulad ng Timor-Leste, at mga kinatawan mula sa ILO, IALI, employer confederations, at labor unions.
(JOCELYN DOMENDEN)
37 