MAY nakitang “red flags” si National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Ralph Calinisan sa mga video ng naging sagupaan ng mga pulis at mga nagpoprotesta kaugnay ng ilang isyung tinatalakay sa ASEAN Summit.
Gayunman, tiniyak ni Calinisan na walang magiging padalus-dalos na hakbang o knee-jerk reaction habang patuloy ang pagsusuri at imbestigasyon sa insidente.
Sa kanyang pagdalo sa Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) monthly forum na “MACHRA Balitaan” sa Harbor View Restaurant sa Maynila, sinabi ni Calinisan na inatasan na niya ang liderato ng National Capital Region na magsagawa ng imbestigasyon.
Nagsasagawa na rin umano ang NAPOLCOM ng pagsusuri sa mga video at iba pang materyales na may kaugnayan sa insidente.
Ayon kay Calinisan, hindi dapat suriin nang hiwalay sa kabuuang pangyayari ang mga kumakalat na video dahil hindi sapat ang ilang segundong kuha upang matukoy kung sino ang unang gumawa ng karahasan.
“The video clips available should not be taken in isolation but in its broader context… a mere five-second clip cannot dictate what actually happened,” ani Calinisan.
May mga video umanong nagpapakita ng matitinding pisikal na komprontasyon na maaaring magdulot ng pagdududa kung tama ang naging kilos ng mga sangkot, ngunit kailangan pa rin aniyang suriin ang kabuuang pangyayari bago makapagbigay ng konklusyon.
Binigyang-diin din ni Calinisan na karapatan ng publiko ang magpahayag ng saloobin ngunit dapat itong isagawa sa paraang hindi lumalabag sa batas.
Dagdag pa niya, maaaring magsampa ng kaso ang sinomang naniniwalang nalabag ang kanyang mga karapatan dahil bahagi ito ng demokratikong proseso sa bansa.
Binigyang-diin din ni Calinisan na hindi absolute ang freedom of expression dahil kailangang isaalang-alang ang karapatan ng ibang tao.
“There must be a balancing act,” giit ng opisyal.
(JESSE RUIZ)
33 