LALONG tumibay ang ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos dahil sa magandang personal na relasyon nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at US President Donald J. Trump, ayon sa lider ng Amerika.
Inilarawan ni Trump ang kasalukuyang ugnayang bilateral ng Washington at Maynila bilang “mas malapit kaysa kailanman,” at sinabing malaking bahagi nito ang personal na ugnayan nila ni Marcos.
Sa kanyang talumpati sa ASEAN-US Special Summit na ginanap sa Maynila, sinabi ni Trump na higit pang pinagtibay ng dalawang bansa ang kanilang kooperasyon sa larangan ng depensa, kabilang ang planong palawakin ang magkasanib na pagsasanay ng Special Forces at pagtutulungan sa modernisasyon ng mga kagamitang pandepensa.
“But I don’t think we’ve ever been closer than we are right now because of our personal relationship,” ayon kay Trump.
Muling tiniyak ng US President ang pangako ng Washington na suportahan ang mga kasosyo at kaalyado nito sa Timog-Silangang Asya at rehiyong Indo-Pacific.
“We support our partners and our allies 100 percent. And when there’s a problem, you call me,” aniya sa mga lider ng ASEAN.
Pinuri rin ni Trump ang pamumuno ni Marcos bilang tagapangulo ng ASEAN ngayong taon at nagpasalamat sa pagho-host ng Pilipinas sa espesyal na summit. Ayon sa kanya, “maganda ang naging trabaho” ni Marcos.
Magkaalyado ang Pilipinas at Estados Unidos sa ilalim ng isang kasunduang pangdepensa at ipinagdiriwang ngayong taon ang ika-80 anibersaryo ng kanilang diplomatikong ugnayan.
Samantala, gugunitain naman sa 2027 ang ika-50 anibersaryo ng ugnayang pandiyalogo ng ASEAN at Estados Unidos.
Nakatakdang magtungo si Trump sa Shenzhen, China, para dumalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit, kung saan inaasahang tatalakayin ang mga usaping panrehiyon.
Binanggit din niya ang posibilidad ng pakikipagpulong kay North Korean leader Kim Jong Un. Dadalo rin sa APEC Summit si Marcos.
Trump Pinatikim ng ‘Taste of Manila’
Bilang bahagi ng pagtanggap sa delegasyon ni Trump, nagpa-deliver si Marcos ng pagkain mula sa Jollibee upang matikman ng US President ang isa sa mga kilalang pagkaing Pilipino.
Sa kanilang pag-uusap sa Malacañang, ibinahagi ni Marcos na personal niyang inatasan ang kanyang mga tauhan na magpa-deliver ng pagkain mula sa sikat na Filipino fast-food chain noong Martes ng gabi.
Ipinaliwanag niyang limitado ang oras ni Trump dahil sa sunod-sunod na aktibidad nito kaugnay ng ASEAN Summit at mga pakikipagpulong sa iba pang lider.
“Since you’re strapped for time, I thought the taste of Manila might be good,” ani Marcos.
Kabilang sa inihanda para kay Trump at sa kanyang delegasyon ang Chickenjoy, isa sa mga pangunahing produkto ng Jollibee.
Ipinagmalaki rin ni Marcos ang patuloy na paglago ng Filipino fast-food chain sa Estados Unidos at sinabing nalampasan na nito sa kasikatan ang American fast-food chain na KFC sa merkado ng US.
“You have been working very hard, Mr. President, so just think of it as providing extra energy for all the work that you have done and continue to do, and that is in front of you,” dagdag ni Marcos.
(CHRISTIAN DALE)
174 