HINIKAYAT ni Marikina City 1st District Rep. Marcy Teodoro ang kanyang mga kasamahan sa House of Representatives na gawing prayoridad ang pagpasa ng Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na aniya ay magpapalakas sa transparency at pananagutan sa mga proyekto ng pamahalaan, sa harap ng paglubog sa baha ng ilang bahagi ng Central Luzon at National Capital Region (NCR) nitong mga nakaraang linggo.
Ayon kay Teodoro, dapat kabilang ang CADENA Act sa mga prayoridad na panukalang batas na isusulong ng mga mambabatas dahil itataguyod nito ang higit na transparency sa paggamit ng pambansang budget at titiyaking napupunta ang pera ng taumbayan sa itinakdang layunin nito.
“Of course, ‘yung CADENA Bill ay inaasahan natin magiging priority bill natin itong second regular session para ‘yung access to information and to procurement ay mas maging transparent at ‘yung accountability na sinasabi ay mangyari,” ani Teodoro.
Sinabi ni Teodoro na kailangang magtulungan ang mga mambabatas upang matiyak na maisasabatas ang mga prayoridad na panukala gaya ng CADENA Act.
“I think we need to work harder and to put our acts together in order for us to be able to achieve ‘yung target natin na number of priority bills na maipasa para sa mga Pilipinong nangangailangan nito,” wika pa niya.
Ang bersyon ng CADENA Act sa Senado—Senate Bill No. 1506—ay inaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa noong Disyembre 15, 2025, sa botong 17-0, nang walang tumutol o nag-abstain.
Sa ilalim ng CADENA Act, inaatasan ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na mag-upload at regular na magpanatili ng detalyadong mga dokumentong may kaugnayan sa badyet—kabilang ang mga kontrata, halaga ng proyekto, bills of materials, at mga rekord ng procurement—sa isang Digital Budget Platform.
Nauna nang pinuri ni Senador Bam Aquino, pangunahing may-akda at pangunahing sponsor ng CADENA Act sa Senado, ang mga epektibo at totoong flood control projects ng Marikina City, at sinabing dapat bigyang-prayoridad ang pondo para sa mga katulad na proyekto.
Pinuri rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang flood management at waste recycling ng Marikina City, na aniya’y maaaring magsilbing modelo para sa iba pang local government units (LGUs) sa pagtugon sa pagbaha at solid waste management.
Sa kanyang pag-iinspeksyon sa Marikina River Linear Park at Centralized Materials Recovery Facility, pinuri ni Marcos ang circular economy model ng Marikina City na hindi lamang nakatuon sa paglilinis ng mga ilog at pangongolekta ng basura, kundi nagbibigay-diin din sa paglikha ng sistemang kung saan pinoproseso at muling ginagamit ang basura hangga’t maaari.
“Kaya tayo nandito dahil ito ang pinakamagandang halimbawa ng circular na economy. Dahil nagagamit as much as possible lahat nung mga maaari pang maulit na gamitin na recycle ay nagagawan nila ng paraan,” wika ni Marcos.
“At ito ay dapat ang maging template, at nagiging template na ngayon sa lahat ng iba’t ibang lungsod sa Pilipinas, lalong-lalo na siyempre dito sa NCR,” dugtong pa niya.
93 