Legislative agenda ng Palasyo tiniyak ng Senado PAG-USAD NG PINAS SIGURADO KAY PBBM

(DANG SAMSON-GARCIA)

KUNG ang mga mambabatas ng Senado ang tatanungin, walang dudang maisusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga nais na batas na magbibigay katuparan sa mga pangakong binitawan sa mamamayan.

Taliwas sa mga nagdaang panahon, tiniyak ng mga senador na magiging katuwang – at hindi balakid – ang Kongreso, kasabay ng giit na suportado ng mayorya ang legislative agenda ng administrasyong Marcos Jr.

Katunayan, ani Senate President Juan Miguel Zubiri, patuloy ang ugnayan sa pagitan ng Senado at Kamara para sa mabilis na pagsasabatas ng mga panukalang inaasahang magsisilbing tulay tungo sa pagbangon ng Pilipinas bunsod ng bagsak na ekonomiyang iniwan ng pandemya.

Gayundin ang paniwala ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na bahagi ng mga regular na pagpupulong ng Senado at Kamara.

Garantisadong Tatalakayin

Ani Villanueva, nagpulong nito lamang nakalipas na Biyernes ang tinawag niyang “super majority” ng dalawang kapulungan ng mga mambabatas.

“Our meeting with Senate President Migz Zubiri, Speaker Martin Romualdez and House Majority Leader Mannix Dalipe was promising,” pahayag ni Villanueva matapos ang kanilang pulong kung saan aniya tinalakay ang 20 paksang tampok sa kauna-unahang State of the Nation Address ni Marcos Jr. noong Hulyo.

Nang tanungin kung ano ang napagkasunduan ng mga senador at kongresista, kinumpirma ng Bulakenyong mambabatas na ganap nang naihanay ang 20-point agenda ng Palasyo sa mga legislative priorities ng magkabilang panig.

“In the end, we exchanged ideas and shared experiences on how we can deliver results for our people. When it comes to passing laws, together is always better,” dagdag pa ni Villanueva.

Bilang patunay, inihayag ni Villanueva ang nakatakdang pulong ng Legislative Executive Development Advisory Council sa Setyembre 27 para sa “finishing touches” ng mga priority legislative measures na isinusulong ng Palasyo.

Dapat May Pondo Rin

Sa bahagi naman ng pagpopondo, tiniyak ni Senate Finance Committee Chairman Juan Edgardo “Sonny” Angara ang pagbibigay ng sapat na budget sa priority measures sa gitna ng pagsisimula na ng pagtalakay ng 2023 proposed national budget sa Kongreso.

Aniya, dahil karamihan din sa isinusulong na legislative agenda ni Pangulong Marcos ay matagal na ring nais isakatuparan ng mga mambabatas ay makakaasa ang punong ehekutibo ng buong suporta partikular ito sa mga panukala para sa kalusugan.

“If you notice, in the past two to three years, we’ve increased our health budget, of course not at the expense of other departments. But we have to admit that we must prepare for the next pandemic,” saad ni Angara.

Kabilang dito ang planong pagtatayo ng regional specialty hospitals na sa tingin ng senador ay mabibigyan agad ng kaukulang pondo.

“Many provinces don’t have the capacity to fund their hospitals so it should be the national government that should finance them,” diin ni Angara.

Suporta sa Health Agenda

Kabilang sa 19 bills na lambing ni Marcos Jr. sa Kongreso ang pagtatayo ng National Disease Prevention Management Authority at Virology Institute of the Philippines na naglalayong tiyakin ang kahandaan ng bansa sa anumang malawakang banta sa kalusugan ng mga mamamayan.

Pasok din sa prayoridad ng Kongreso ang National Government Rightsizing Program na naglalayong bawasan ang mga ahensya at tanggapan ng pamahalaan na inaakalang kalabisan – kundi man dagdag gastusin lang sa pamahalaan.

Sa usapin ng pananalapi, tampok din ang Budget Modernization Bill, Tax Package 3, Valuation Reform Bill, Passive Income and Financial Intermediary Taxation Act, E-Government Act, Internet Transaction Act at Government Financial Institutions Unified Initiatives to Distressed Enterprises for Economic Recovery na pawang naglalayong pasiglahin, patibayin at gawing simple ang koleksyon ng buwis.

Hindi rin nagpa-iwan ang pagtataguyod ng Medical Reserve Corps, Department of Water Resources; Unified System of Separation, Retirement and Pension; National Land Use Act, enabling law para sa Natural Gas Industry, amyenda sa kontrobersyal na Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), Build-Operate-Transfer Law, National Defense Act, Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at National Service Training Program.

2023 Budget Done Deal

Sa usapin ng 2023 national budget, nakatakda na rin talakayin ng Senado ang National Expenditure Program na isinumite ng Department of Budget and Management sa Kongreso noong nakaraang Agosto.

Sa kalendaryo ni Angara, sisimulan ng Development Budget Coordination Committee ang briefing sa mga senador ngayong araw (Setyembre 13) upang umarangkada na ang mga pagdinig at matapos ang committee hearings sa kalagitnaan ng Oktubre.

Susundan naman ito ng plenary debates sa unang linggo ng Nobyembre hanggang sa maipasa bago pa man matapos ang naturang buwan.

Ang bicameral committee meetings hanggang paglagda ni Pangulong Rodrigo Duterte ay inaasahan hanggang sa kalagitnaan ng Disyembre.

122

Related posts

Leave a Comment