BUSINESS SECTOR PINATUTULONG SA MASS TESTING

PINAPAPASAN sa mga employer ang COVID-19 testing ng kanilang mga empleyado upang makatulong sa pagpigil sa pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), kailangan isailalim muna ng mga business owner ang kanilang mga empleyado o manggagawa sa COVID-19 test bago pa payagan na bumalik sa trabaho at mag-resume ng kanilang operasyon.

Ang pahayag na ito ni Trade Secretary Ramon Lopez ay bilang paghahanda sa pagbawi sa ilang lugar sa Luzon ng ipinatupad na enhanced community quarantine.

Sa Abril 30 ay ili-lift na ang ECQ sa ilang lugar sa bansa habang ang ilan ay isasailalim naman sa general community quarantine.

Ang hakbang na ito, ayon sa kalihim ay oportunidad para sa private companies na tumulong sa mass testing initiative ng pamahalaan para mapigil ang pagkalat ng COVID-19.

“Para maiwasan ang transmission sa kanilang operation, bago nila papasukin ‘yung mga empleyado nila, magte-testing sila, ‘yung PCR testing, ‘yung gold standard para malaman nila sino ang puwedeng pumasok, sino ang hindi,” ayon kay Sec. Lopez.

Sa pagbawi aniya ng ECQ sa ilang lugar ay sinabi ni Sec. Lopez na may ilang establisimyento at manufacturing companies na limitado ang operasyon dahil sa lockdown ang maaari nang “back to business” subalit kailangan na sumunod pa rin sa health protocols.

Ang Luzon-wide enhanced community quarantine ay nakatakdang magtapos sa Abril 30, subalit kamakailan lamang ay pinalawig ni Pangulong Duterte ang ECQ measure sa ilang high-risk areas kabilang na ang National Capital Region, Regions III at IV-A hanggang Mayo 15. CHRISTIAN DALE

198

Related posts

Leave a Comment