IMBESTIGASYON SA SUNOG SA SORSOGON CITY PUBLIC MARKET NA IKINASAWI NG LIMA, PATULOY

PATULOY ang imbestigasyon ng mga arson investigator ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa sunog na tumupok sa Sorsogon City Public Market at ikinasawi ng limang katao noong Sabado ng gabi, Oktubre 24.

Sa pahayag ng BFP, patuloy ang masusing pagsusuri at imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng sunog at kabuuang halaga ng pinsala sa ari-arian.

Natagpuan ang limang nasawi sa loob ng isang palikuran sa palengke. Batay sa mga paunang ulat, posibleng na-trap ang mga biktima matapos umanong bumalik sa loob ng gusali upang sagipin ang kanilang mga gamit at paninda.

Nahihirapan pa ang mga awtoridad na matukoy ang pagkakakilanlan at kasarian ng mga biktima dahil sa tindi ng pinsalang tinamo ng kanilang mga katawan.

Halos natupok at naging abo ang mga stall sa pangunahing gusali ng palengke, kabilang ang mga seksiyon ng karne, isda, manok, dry goods at mga kainan sa ikalawang palapag.

Mahigit 380 vendor ang direktang naapektuhan at nawalan ng kabuhayan sa sunog na naganap pasado alas-10 ng gabi.

Ayon sa BFP Sorsogon City, halos naubos ang mga stall sa loob ng pampublikong pamilihan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog at lawak ng pinsala.

(JESSE RUIZ)

55

Related posts

Leave a Comment