MAHIGIT 1,500 PULIS, IDE-DEPLOY SA MGA SEMENTERYO SA MAYNILA PARA SA UNDAS 2026

MAGTATALAGA ang Manila Police District (MPD) ng mahigit 1,500 tauhan sa mga sementeryo sa Maynila bilang bahagi ng paghahanda sa paggunita ng Undas 2026.

Ayon kay MPD spokesperson Major Philipp Ines, sisimulan bukas ang paunang deployment ng mga pulis, ilang araw bago ang Undas.

Ipapakalat ang mga tauhan sa apat na sementeryo sa lungsod, kabilang ang Manila North Cemetery (MNC), Manila South Cemetery, La Loma Cemetery at Chinese Cemetery.

Sinabi ni Ines na hindi pa kabilang sa bilang ang mga force multiplier na tutulong sa MPD sa pagpapanatili ng kaayusan at seguridad sa mga sementeryo.

Magkakaroon din ng aerial patrol gamit ang mga drone upang mamonitor ang dami ng mga taong pumapasok at bumibisita sa mga sementeryo.

Nakikipag-ugnayan din ang MPD sa pamunuan ng Manila North Cemetery sa pangunguna ni Director Dan-Dan Tan. May 125 CCTV camera umano sa loob ng naturang sementeryo.

Pinayuhan ni Ines ang publiko na maagang magtungo sa mga sementeryo upang maiwasan ang pagsabay sa dagsa ng mga bisita at ang pagsisiksikan.

Ayon sa opisyal, inaasahang mas maraming tao ang bibisita sa mga sementeryo ngayong taon dahil tumapat sa Sabado at Linggo ang Nobyembre 1 at 2.

Nagbabala rin ang MPD laban sa mga naglalagay ng hagdan na ginagamit na lusutan o shortcut ng mga bisita sa Manila North Cemetery.

Ilang araw bago ang Undas 2026, nagpapatuloy rin ang Oplan Galugad ng MPD upang matiyak ang seguridad sa loob ng mga sementeryo.

(JOCELYN DOMENDEN)

65

Related posts

Leave a Comment