DAPAT ipagpalagay na kumilos nang may mabuting hangarin ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa pagtaas ng unprogrammed funds sa pambansang badyet hangga’t walang patunay na may ginawa silang paglabag, ayon kay Supreme Court Associate Justice Rodil Zalameda.
Sa panayam ng Judicial and Bar Council (JBC) nitong Lunes bilang bahagi ng proseso ng pagpili sa susunod na punong mahistrado, sinabi ni Zalameda na legal ang unprogrammed appropriations at dapat ituring na balido ang mga hakbang ng mga opisyal hangga’t hindi ito idinedeklarang labag sa batas ng korte.
“When you say it is constitutional, I don’t think the public officers may be held liable for such act, for act which is declared constitutional,” ani Zalameda.
“Aside from that, there is presumption of regularity on the part of these public officials and all their acts are considered valid until such acts are declared invalid,” dagdag niya.
Nilinaw ni Zalameda na hindi nagpasya ang Korte Suprema kung dapat managot ang mga opisyal sa kasong Lagman v. Congress dahil hindi kabilang sa mga isyung iniharap sa hukuman ang kanilang posibleng pananagutan.
Binigyang-diin din niya na dapat igalang ang kapangyarihan ng bawat sangay ng gobyerno at hindi dapat panghimasukan ng Korte Suprema ang bawat desisyon ng Kongreso at ehekutibo.
Kaugnay ang usapin sa desisyon ng Korte Suprema na nagbasura sa karagdagang ₱449.5 bilyong unprogrammed funds sa 2024 national budget, ₱17.99 bilyong dagdag sa Special Road Fund sa 2025 budget, at ilang probisyon sa 2026 budget.
Gayunman, kinilala ng mataas na hukuman na legal ang unprogrammed appropriations basta sumusunod ang mga ito sa mga itinatakda ng Konstitusyon.
Hindi sumang-ayon si Zalameda sa pagbasura sa karagdagang ₱449.5 bilyong pondo. Ayon sa kanya, layunin ng Article VI, Section 25(1) ng Konstitusyon na pigilan ang paggastos nang lampas sa inilaan at tiyak na pondo, samantalang magagamit lamang ang unprogrammed funds kapag may karagdagang mapagkukunan ng pondo.
Kabilang din sa mga aplikante sa posisyon ng chief justice sina Senior Associate Justice Marvic Leonen at Associate Justices Benjamin Caguioa, Japar Dimaampao at Jose Midas Marquez.
Papalitan ng mapipiling bagong punong mahistrado si Chief Justice Alexander Gesmundo, na nakatakdang magretiro sa Nobyembre 6, 2026.
(JULIET PACOT)
60 