NASAWI ang driver ng isang motorsiklo at babaeng angkas nito nang makasalpukan ang isang Suzuki Ertiga sa kahabaan ng Antero Soriano Highway, Brgy. Lambingan, Tanza, Cavite noong Linggo ng madaling araw.
Isinugod ang driver ng motorsiklong Honda na may plakang 156USK, na si alyas “Errol”, 37, at ang angkas nito na si alyas “Rose” sa Tanza Family General Hospital and Pharmacy subalit idineklarang dead on arrival dahil sa malalang sugat sa katawan.
Hawak naman ng Tanza Municipal Police Station ang driver ng Suzuki Ertiga na may plakang NDF 6735, na si alyas “Alejandro”, 46, nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in two counts of homicide and damage to property.
Ayon sa ulat, kapwa binabagtas ng dalawang sasakyan ang nabanggit na lugar. Patungo sa direksyon ng Tanza proper ang driver ng Isuzu Ertiga habang sa opposite lane naman ng kalsada patungo sa direksyon ng Naic, Cavite ang binabaybay ng driver ng motorsiklo at angkas nitong babae, nang magbanggaan sila bandang alas-1:40 ng madaling araw.
Isinugod ang magkaangkas sa motorsiklo sa ospital subalit kapwa idineklarang dead on arrival dahil sa malalang sugat sa katawan.
(SIGFRED ADSUARA)
70 