NANAWAGAN si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano nitong Lunes, Oktubre 26, sa lahat ng senator-judge na hayagang ipahayag ang kanilang pagiging neutral sa pulitika, at iginiit na ebidensya lamang ang dapat maging batayan ng kanilang magiging pasya sa impeachment trial laban sa sinumang opisyal ng gobyerno.
Sa kaniyang Facebook post, binigyang-diin ni Cayetano na mahalagang pairalin ang pagiging patas sa lahat ng impeachment proceedings, lalo na sa mga kasong kinasasangkutan ng pinakamataas na opisyal ng bansa.
“It’s essential that in all impeachment proceedings (especially of Presidents and Vice Presidents), Senator-Judges are politically neutral and will have no incentive to convict except for evidence that proves the article/s of impeachment,” pahayag ni Cayetano.
Kasunod ito ng pahayag ni Senator-Judge Francis “Chiz” Escudero na tatanggihan niya ang posisyon ng bise presidente sakaling mahatulan si Vice President Sara Duterte sa impeachment trial, dahil magiging conflict of interest umano ang pagtanggap sa posisyong mababakante bunga ng desisyong nilahukan niya.
Sinuportahan ni Cayetano ang paninindigan ni Escudero at hinimok ang lahat ng senator-judge, kabilang ang kaniyang sarili, na gumawa rin ng kaparehong deklarasyon.
“Tama po ito! All of us Senator-Judges should make this declaration,” aniya.
Iginiit ni Cayetano na hindi dapat magkaroon ng pansariling pakinabang sa pulitika ang sinumang senator-judge na maaaring makaapekto sa kanilang paghatol. Aniya, dapat nakabatay lamang sa matibay na ebidensya ang pasya kung mapatutunayan ang mga paratang sa impeachment complaint.
Ipinagdasal din niya na pagkalooban ng karunungan at wastong paghatol ang mga miyembro ng Senado sa kabila ng kanilang pagkakaiba sa opinyon.
“May God always give the Senate wisdom and good discernment despite differences of opinion among its members, so that we may serve You, Lord God, and Your people – the Filipino people – well,” pahayag niya.
Sa impeachment trial, tungkulin ng mga senator-judge na gampanan ang kanilang papel nang walang kinikilingan o pagtatangi, anuman ang kanilang partido o panig sa pulitika.
Mahalaga rin ang pagsunod sa mga itinatakda ng Konstitusyon, due process at mga tuntunin sa pagtanggap at paghawak ng ebidensya.
Matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlong artikulo ng impeachment complaint noong unang bahagi ng Oktubre, nakatuon na lamang ang paglilitis sa Article II, na kinabibilangan ng mga alegasyon laban kay Duterte kaugnay ng umano’y hindi maipaliwanag na yaman, hindi kumpletong deklarasyon ng mga ari-arian, at hindi pagbitaw sa mga interes sa negosyo.
85 