2 NPA NAGBALIK-LOOB SA PAMAHALAAN

KUSANG-LOOB na nagbalik-loob sa pamahalaan ang dalawang kasapi ng Communist Terrorist Group ng New People’s Army (NPA) noong Oktubre 26 sa Sarangani Province, kasabay ng pagsuko ng mga kagamitang pandigma.

Kinilala ang dalawa sa kanilang mga alyas na “JM,” 20-anyos, at “Arpak” o “Trigo,” 24-anyos.

Ayon sa ulat, kabilang sa mga dahilan ng kanilang kusang-loob na pagbabalik-loob ang takot at hirap na kanilang naranasan matapos ang serye ng mga engkuwentro noong Setyembre 14 at 15, kasabay ng patuloy na operasyong militar ng mga tropa ng pamahalaan.

Nagkaroon umano ng mga sugat si alyas “JM” sa naturang mga operasyon, na nag-ambag sa kanilang desisyong tuluyang talikuran ang armadong pakikibaka.

Kabilang sa mga isinukong kagamitan ang isang M16 rifle, isang long magazine, at 15 bala ng kalibreng 5.56mm. Dinala ang dalawang nagbalik-loob sa himpilan ng 105th Infantry (Saifullah) Battalion para sa kaukulang dokumentasyon at debriefing. Isinagawa rin ang pag-iimbentaryo at pagproseso sa isinukong mga armas at bala.

Ayon kay Col. Manuel Leo Q. Gador, commander ng 603rd Infantry Brigade, mahalagang hakbang ang kusang-loob na pagsuko ng dalawang kasapi ng armadong grupo tungo sa pagtatapos ng kanilang pagkakasangkot sa armadong pakikibaka at pagbabalik sa mapayapang pamumuhay.

Dagdag pa ni Col. Gador, ang pagtalikod sa armadong pakikibaka ay nagbibigay ng pagkakataong mamuhay nang mapayapa, at maging bahagi ng pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan at kaunlaran sa komunidad.

Pinuri naman ni Brig. Gen. Edgar L. Catu, commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang 603rd Infantry Brigade at 105th Infantry (Saifullah) Battalion, lokal na pamahalaan at mamamayan, sa pagsisikap na hikayatin ang mga kasapi ng armadong grupo na kusang-loob na magbalik-loob sa pamahalaan.

Binigyang-diin ni Brig. Gen. Catu, ang pagbabalik-loob ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga dating kasapi ng armadong pakikibaka na makapagsimula ng bagong buhay at muling makapiling ang kanilang mga pamilya nang walang pangamba.

Hinikayat din niya ang iba pang kasapi ng grupo na samantalahin ang pagkakataong magbalik-loob, at binigyang-diin na bukas ang pamahalaan sa mga nagnanais na talikuran ang armadong pakikibaka at magsimula sa mapayapang pamumuhay.

Samantala, tiniyak ng 6ID at JTF Central na magpapatuloy ang mga operasyon laban sa mga armadong grupong nagbabanta sa kapayapaan at seguridad, kasabay ng pagsisikap na hikayatin ang iba pang kasapi ng CTG na kusang-loob na bumalik sa pamahalaan.

(JESSE RUIZ)

69

Related posts

Leave a Comment