PUNA ni JOEL O. AMONGO
NANAWAGAN na ang mga residente ng Cagayan de Oro (CDO) sa Commission on Audit (COA), Department of the Interior and Local Government (DILG) at iba pang ahensiya ng gobyerno na imbestigahan ang sobrang laking halagang cash advances ng kanilang siyudad sa ilalim ng liderato ni CDO City Mayor Klarex Uy.
“The use of public funds for personal and political advantage is a gross abuse of power—and a betrayal of the public trust. The people of Cagayan de Oro deserve to know the truth, and those responsible must be held accountable,” pahayag ni dating CDO City Administrator Teddy Sabugaa.
Noong nakaraang Abril 30, nagsagawa ng pulong balitaan si Sabugaa kung saan ay isiniwalat nito na ilang maliliit na grupo ng mga indibidwal ang ginamit ng city hall para makapaglabas ng mga kuwestiyunableng cash advances mula sa public funds na may mga dokumento na magpapakita ng ebidensiya na direktang nagtuturo na sangkot si Mayor Rolando “Klarex” Uy.
Sinasabi na ang alkalde ay tumanggap ng P694.6 million cash advances mula Hulyo 2022 hanggang Marso 2025 sa kabuuang cash advances ng siyudad na P1 billion, sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Uy.
Inakusahan din si Mayor Uy na ginamit niya ang city government funds para bayaran ng tig-P6K kada botante kapalit ang suporta sa anak nitong si Kikang Uy na kumandidato sa barangay position.
Ito ay nagdulot ng red flag sa posiblidad na paglabag sa elections laws, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at sa COA regulations. Balewala na ba sa mga opisyal na gobyerno natin ngayon ang mga batas na umiiral laban sa katiwalian?
“We strongly urge the Commission on Audit (COA), the Department of the Interior and Local Government (DILG), and relevant authorities to launch a full-scale investigation. The people of Cagayan de Oro deserve to know the truth, and those responsible must be held accountable,” ayon pa kay Sabugaa.
Ang cash advances ni Mayor Uy base sa mga iprinisenta ni Sabugaa ay ang extraordinary and miscellaneous; Covid 19 order initiatives; confidential funds; extra confidential funds; cash advance for terrorism responsiveness and deterrence seminar; at ang family drug abuse prevention program Phase II.
Ang mga ito ay ilan lamang sa cash advance ng CDO local government unit sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Uy: 9/27/22 Rolando A. Uy extraordinary and misc., P891,808.00; 12/6/22 Rolando A. Uy cash advance for support to peace & order initiatives amidst Covid 19 Pandemic, 12,084,444.00; 7/4/22 Rolando A. Uy cash advance confidential fund P19,000,000.00; 10/6/22 Rolando A. Uy, cash advance confidential fund P19,000,000.00; 1/4/23 Rolando A. Uy, cash advance confidential fund P25,000,000.00; 4/3/23 Rolando A. Uy, cash advance confidential fund P25,000,000.00; 4/7/23 Rolando A. Uy, cash advance confidential fund P25,000,000.00 at iba pang hindi nasama sa listahan.
Nakalululang mga halaga ang pinag-uusapan sa cash advances ng CDO LGU na ito, pero kung titingnan natin, marami pa rin ang naghihirap sa kanilang lugar.
Nagpapakita ba ito ng kawalang takot ng mga opisyal sa lugar sa batas na umiiral sa pagbabawal sa basta-basta na lamang paglustay sa pondo ng bayan?
Nakalulungkot isipin na napakarami pa lang pondo ng ating bansa, subalit hindi ata napupunta sa tamang paggagamitan.
Nauubos ang pera, pero walang namang matibay na mga proyekto lalo na sa may kinalaman para makaahon sa kahirapan ang mga Pilipino.
Na-PUNA rin natin na karamihang sa mga probinsiya ang nakatayo ay mga sabungan, imbes na pagkakakitaan para sa mga tao sa kanilang lugar ay bisyo ang kanilang inaatupag.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa operarioj45@gmail.com.
