VIC RODRIGUEZ, 9 PANG SENATORIAL BETS INENDORSO NG MUSLIM COMMUNITY

INENDORSO si Maisug senatorial candidate Atty. Vic Rodriguez at siyam pa na tumatakbong senador ng 1 Bangsamoro Movement at iba’t ibang samahan ng mga Muslim para suportahan ngayon darating na May 12 elections.

Sa ginanap na press conference sa Kamuning Bakery Cafe sa Quezon City, pinangalanan ni 1 Bangsamoro Movement president Alan Balangi si Atty. Rodriguez na kanilang todong susuportahan bunsod ng pagtuon nito sa pag-angat sa kapakanan ng mga Muslim.

Bukod kay Rodriguez kabilang sa siyam na senatorial aspirants na kanilang inendorso ang kapwa Muslim na sina Subair Mustapha, Amirah Lidasan gayundin sina Bong Go, Bato dela Rosa, Camille Villar, Rodante Marcoleta, Pia Cayetano, Gringo Honasan at Bam Aquino habang posible pang pangalanan ang dalawa pang kandidato ngayong Biyernes.

Ayon kay Balangi, nagustuhan din ng brother Muslims ang plataporma ni Atty. Rodriguez partikular ang pagsugpo sa korupsyon o good governance, transparency na wala ngayon sa kasalukuyang administrasyon.

Kasama rin ang peace and order sa prayoridad ni Atty. Rodriguez na tunay na may malasakit, programa sa kabuhayan para sa Mindanao at iba pa.

Nabuo ang pagpili sa mga inendorsong senatorial candidate kasunod ng kanilang pagdaraos ng serye ng dayalogo sa iba’t ibang rehiyon upang alamin ang mga opinyon at pananaw ng mga kababayang Muslim kung sinong mga karapat-dapat piliin ngayong nalalapit na halalan.

Kabilang pa sa mga dumalo para ipahayag ang kanilang suporta sa mga nabanggit na tumatakbo sa pagka senador ang mga lider Muslim na sina Alim/Sultan Saad Amate, president ng United Imam of the Phils.; Sultan Amoden Abdulmadid, secretary general ng Confederation of Royal Sultanate of Lanao; Sultan Olo Racman, president ng United Muslim Leaders (UML); Amro Rasul, chairman ng Bangsamoro Communities Outside BARMM; Imam Nasser Mimbala, secretary general ng Federation of BCOBAR at Datu Nabil Bayahbao, president ng Bangsamoro Traders Association (BTA).

Tiwala ang Muslim groups na solido at magkakaisa ang kanilang hanay upang maipanalo ang sampung nabanggit na senador na nakikita nilang karapat-dapat maluklok bilang senador ngayong May 12 elections.

(BENEDICT ABAYGAR, JR.)

95

Related posts

Leave a Comment