CLICKBAIT ni JO BARLIZO
HABANG lumalapit ang araw ng halalan, lumalayo naman ang posibilidad na makapasok si presidential sister Imee Marcos sa Senado.
Kung napapansin ninyo, laglag pa rin sa pre-election surveys si Senator Imee kahit sinasabing bilyon-bilyong piso na ang kanyang nagagastos sa kampanya.
Sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations na isinagawa nitong April 11-15 at kinomisyon ng Stratbase Group, nasa pang-13 at pang-14 pwesto lang si Imee katabla ang comedian at host na si Willie Revillame.
May mga nag-aalinlangan din kung makatutulong pa ba sa kandidatura ng senadora ang endorsement sa kanya kamakailan ni Vice President Sara Duterte.
Kung si Presidential Adviser on Poverty Alleviation Atty. Larry Gadon ang tatanungin, mas mawawalan pa aniya ng boto ang presidential sister dahil dito.
“Isang malaking pagkakamali kay Sen. Imee Marcos na magpa-endorse siya kay VP Inday Sara dahil ito ay isang kiss of death ganun din si (House Deputy Speaker) Camille Villar dahil wala naman talagang tao ang mga Duterte,” ani Gadon.
Dagdag ni Gadon, nakausap niya ang ilang Marcos loyalist leaders na nadismaya sa pakikipag-alyansa ni Imee sa mga Duterte, kahit pa may mga kontrobersyal na pahayag noon si VP Sara, gaya ng pagbabanta nitong ipahuhukay at ipatatapon sa dagat ang labi ni dating pangulong Marcos Sr., at ang pag-amin nito na may kinausap itong tao para patayin si Pangulong Bongbong Marcos.
“Itong ginawa ni Imee na nagpa-endorse kay Sara, mas malaki ang mawawala sa kanya. Kasi marami ang nagagalit na mga Marcos loyalist kasi bakit niya kinakampihan ang mga Duterte sa kabila ng lahat, na gustong ipatapon ni Sara, ipahukay sa libingan si the late President Marcos Sr. (at itapon sa West Philippine Sea), at ‘yung plano na ipapatay si BBM, si (First Lady) Liza (Araneta-Marcos), at (Speaker Ferdinand) Martin (Romualdez), eh bakit kinakampihan pa rin ni Imee,” ani Gadon.
Lalo pang didiretso sa kangkungan si Imee sa May 12 elections dahil na rin sa isang litrato na kumakalat ngayon sa social media. Matapos ang pagsuko ni David Tan Liao, isa sa mga pangunahing suspek sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que, lumabas ang isang picture na kasama ni Imee si Liao.
Mismong si veteran journalist Ramon Tulfo ang nagbahagi ng nasabing larawan sa kanyang Facebook page at binanggit niya sa caption ng kanyang post, na posibleng may may koneksyon si Liao sa iba pang maimpluwensiya at kontrobersyal na mga personalidad.
“Baka kilala rin niya o kaibigan si Michael Yang, kaibigan ni Digong, na sinasabing isang drug trafficker,” komento ni Tulfo.
Kinumpirma ng Philippine National Police na may kaugnayan si Liao sa hindi bababa sa limang kaso ng pagdukot mula Nobyembre 2022 hanggang Pebrero 2025. Kilala rin si Liao sa iba’t ibang alyas gaya ng Ciao Cian Jiang, Yang Jianmin, at Michael Yung.
Noong Abril 18, nahuli rin ng mga awtoridad sa Palawan ang dalawa pang Pilipinong suspek na sangkot sa pagpaslang kay Que at sa kanyang driver na si Armanie Pabillo.
