KAPE AT BRANDY ni Sonny T. Mallari
PASKO NA. Pero parang hindi nararamdaman ng mga Pilipino ang selebrasyon ng taunang okasyon. Hubad sa mga dekorasyong pampasko ang maraming kabahayan. Bihira ang mga nakasabit na parol sa harapan ng bahay. Hindi rin naririnig sa paligid ang pumapailanlang na mga awiting pamasko.
Sa loob lang ng malalaking shopping malls mayroong tanda ng kapaskuhan dahil may mga dekorasyon. Maraming tao na namamasyal at nagpapalamig pero konti lang ang namimili.
Iisa lang ang posibleng dahilan. Maraming mamamayan ang naghihirap ngayon sa buhay.
Ang kinikita sa anomang hanapbuhay ay nakatuon sa pangunahing pangangailangan – pagkain, monthly bills, gamot at edukasyon kung may estudyante sa pamilya. Kasama na rin ngayon ang badyet sa cellphone load. Dahil kung walang koneksyon sa Internet ang telepono, parang ikaw na ang pinaka-kawawang tao sa mundo.
At dahil sa matinding pangangailangan, sinasamantala naman ito ng mga kandidato sa susunod na eleksyon. Kabi-kabila ang pamimigay ng ayuda – salapi, bigas, de-lata, kape, noodles atbp. – sa pormang Christmas gift.
Nauso na rin ang mga pa-contest ng mga politiko sa kani-kanilang Facebook. At ang mananalo ay tatanggap ng premyong pera na ipadadala sa Gcash.
Ang pamimigay ng Christmas gift at mga palaro ni politiko sa social media na may pananalunang kwarta ay isang porma ng “vote buying”. Puwera lang kung ang politikong nagpapalaro ay kandidato nga pero wala namang kalaban. Hindi halata ang gimik dahil ang nakikita ng publiko ay ang kabaitan at ang pagigiging matulungin ng kandidato.
Pero sa susunod na Pasko, kapag natalo si politiko sa darating na eleksyon sa Mayo, ni anino niya ay hindi na muling makikita.
Sa madaling-sabi, ‘yung ipinamimigay na mga ayuda at pera ay “puhunan” ng kandidato. Parang sugal. Kapag nanalo siya sa eleksyon, mababawi niya ang kanyang mga ginastos sa pamamagitan ng panderekwat sa pondo ng gobyerno.
At kapag natalo naman, lugi si politiko. Maghihintay muli siya sa kasunod na eleksyon. ‘Yun ay kung may pera pa siyang isusugal o pondo para sa magastos na kampanya.
Pero si Juan de la Cruz… nanalo ba?
TALO rin. Dahil ang nanalong politiko na gumastos din ng malaking pera sa kampanya kasama ang pamimigay ng ayuda at papasko, malamang sa hindi, ay lalabas din ang likas na karakter – korap at magnanakaw. Nabudol muli ang mga Pilipino.
##########
Pagkatapos na umagwat si PBBM sa impeachment kay Vice President Sara Duterte, ngayon ay suntok na ito sa buwan kung masisibak pa ang huli sa kanyang posisyon.
Ang impeachment complaints ay hindi pa naipapasa kay House Speaker Martin Romualdez dahil pinag-aaralan pa raw ng mga awtoridad sa Mababang Kapulungan kung may basehan ba ito sa kabila ng katotohanang sobra-sobra na ang ebidensya na susuporta sa pagpapatalsik sa bise presidente.
Sa isyu pa lang nang hindi maipaliwanag na paggastos sa confidential/intelligence fund (CIF) ng Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong kalihim pa nito si Sara, isa na itong matibay na basehan upang gumulong na ang proseso.
Pumaparada na rin ang mga report mula sa Philippine Statistic Authority na ‘yung marami sa mga tumanggap ng pera mula sa CIF ng OVP at DepEd, ay multo dahil wala sa talaan nila ang pangalan ng mga ito. Ibig sabihin, dinekwat ang pondo. Pinalalabas na may tumanggap ng pera pero nang maberipika ay huwad pala ang mga benepisaryo.
Isa itong lantarang pagnanakaw sa salapi ng taong-bayan. Nararapat lang na kasuhan at parusahan ang utak at ang kanyang mga kasapakat sa pandarambong.
Unang hakbang nga ang paghahain ng impeachment complaints habang pinag-aaralan pa raw ng mga awtoridad ang iba pang isasampang kasong kriminal laban kay VP Sara. Hindi ba tayo nakahahalata sa gasgas na katwirang pinag-aaralan pa?
Kailangan ang 106 yes votes ng mga kongresista na sumasang-ayon sa reklamo upang ipasa na ito sa Senado at doon hahatulan ang bise presidente kung sisibakin ba siya sa puwesto o hindi.
Pero sa Kongreso pa lang ay aamagin na ito dahil ilang sesyon na lang ang nalalabi at Christmas break na. Bukod dito, marami sa mga kongresista ang magigiging abala sa kani-kanilang distrito sa paghahanda sa susunod na eleksyon.
Sa ganitong sitwasyon, suntok na sa buwan ang pagtatagumpay ng impeachment complaints sa Kongreso.
Ngayon, may magagawa pa ba ang taong-bayan? Meron pa!
Kalampagin natin ang mga opisyales ng gobyerno sa pamamagitan ng isang sama-samang mapayapang giyera sa social media partikular sa Facebook.
Kung mananatili tayong tahimik at magsasawalang-kibo na lang sa mga kabulukan sa ating gobyerno habang nagpapasasa sa rangya at kapangyarihan ang mga namumuno, kawawa ang susunod na henerasyon.
Let the war begin!
##########
May paalala si Pope Francis sa mga pari ng Simbahang Katoliko – iksian ang homiliya at gawin lang itong diyes minutos ang tagal. Kaya naman kasi humahaba ang sermon ay dahil inuuna ng maraming pari ang panghihingi ng abuloy o donasyon sa mga sumisimba.
Kakanta pa ng “Babalik ito, siksik, liglig at umaapaw”.
Amen!
62