ETHICS COMPLAINT LABAN KAY CAYETANO INIHAIN NI BINAY

KABUUANG 15 pahina ang ethics complaint na inihain ni Senador Nancy Binay laban kay Senador Alan Peter Cayetano matapos ang naging sagutan nila sa pagdinig ng Senate Committee on Accounts kaugnay sa itinatayong bagong Senate Building sa Taguig City.

Pangunahing laman ng reklamo ni Binay ang pagtawag sa kanya ni Cayetano ng buwang, Marites at maging ang akusasyon na tila nagpi-feed siya ng tanong sa mga media na nag-interview sa kanya.

Binigyang-diin ni Binay na ginawa niya ang paghahain ng reklamo hindi lamang bilang isang senador kundi bilang isang ina na nasasaktan kapag naapektuhan ng pambubully ang kanilang mga anak.

“This is not just about me as a senator, this is also about me as a mother. Kasi alam ko ung pinagdaanan ng mga bata, hindi lang nung mga anak ko pati nung mga pamangkin ko nung mga panahon na yun. And hindi ako papayag na mauulit muli yung ganung pinagdaanan nila,” pahayag ni Binay.

“Siguro ang hirap ma-explain kung hindi mo pa nararamdaman maging isang magulang, di ba. If you are a parent mas masakit kapag ang anak ang nasasaktan,” dagdag pa ng senador.

Dedepende naman anya sa magiging paliwanag kung tatanggapin niya kung sakaling humingi ng paumanhin si Cayetano.

Personal na ibinigay ni Binay ang kopya ng reklamo sa tanggapan ni Senate Majority Leader Francis Tolentino bilang chairman ng Senate Committee on Ethics gayundin sa tanggapan ni Senador Cayetano habang isang kopya rin ang ibibigay nila sa tanggapan ni Senate President Chiz Escudero. (DANG SAMSON-GARCIA)

291

Related posts

Leave a Comment