DAGDAG NA KALINGA AT DIGNIDAD HIRIT SA GOBYERNO NG NAKATATANDA

HINIKAYAT ni Bulacan 6th District Rep. Salvador Pleyto, ang pinakamatandang miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso, ang pamahalaan na bigyan ng higit na atensyon, aruga, at dignidad ang mga matatanda, lalo na ang mga mahihirap at nakatira sa malalayong lugar na patuloy na nagdurusa.

Sa kanyang privilege speech sa plenaryo, umapela si Pleyto sa Kongreso at sa ehekutibo na huwag pabayaan ang mga senior citizens habang sila ay nabubuhay pa.

Ayon sa 81-anyos na mambabatas, bagama’t ang mga nakatatanda ang nagtayo ng pundasyon ng bansa sa pamamagitan ng kanilang sakripisyo at trabaho, marami sa kanila ngayon ang nakararanas ng kahirapan, karamdaman, at pagpapabaya.

“Marami sa ating mga senior citizens ang walang stable na source of income after retirement, lalo na ‘yung mga nagtrabaho sa informal sector kaya’t wala silang pension,” ani Pleyto, kasabay ng paggunita sa Elderly Week mula Oktubre 1 hanggang 7.

Dagdag pa niya, hindi na rin sapat ang pension mula sa SSS at GSIS dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin, gamot, at serbisyo publiko. Maging ang P500 social pension para sa mahihirap na senior citizens na walang ibang pinagkukunan ay malayo sa aktuwal na pangangailangan sa panahon ngayon.

“The sad reality, Mr. Speaker, is that many of our senior citizens experience social isolation, lalo na kapag sila ay nagkasakit, walang tumitingin o nangangamusta,” emosyonal na pahayag ni Pleyto.

Ibinunyag din ng mambabatas na marami sa mga matatanda ang nabubuhay mag-isa dahil nasa ibang lugar ang kanilang mga pamilya, habang ang ilan naman ay tuluyang inabandona at napipilitang mamuhay sa mga overcrowded home for the aged.

“May mga nakikita tayong matatanda na nagpapalimos sa kalsada. Mabuti kung may home for the aged sa bawat probinsya, pero sa ngayon, kulang pa,” dagdag ni Pleyto.

Giit ng kongresista, panahon nang dagdagan ang tulong at suporta sa mga senior citizens, upang masiguro na mamumuhay sila nang may dignidad at malasakit mula sa pamahalaan.

(BERNARD TAGUINOD)

101

Related posts

Leave a Comment