HINDI na itinuloy ng pamahalaan ang mga kasong kriminal na isasampa sana laban sa mga pangunahing pinuno ng Maynilad Water Services Inc. at Manila Water Company Inc.
Inihayag ni Presidential spokesperson Harry Roque Jr. na pinaatras ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kaso laban kay Manny V. Pangilinan (MVP) at mga Ayala dahil bilyun-bilyon ang inihatag ng mga kumpanya ng mga ito sa administrasyon bilang ayuda laban sa coronavirus disease-2019 (COVID-19).
Ibinunyag ito ni Roque upang malinawan ang publiko kung bakit wala nang nababalitang aksyon ang pamahalaan laban kina MVP at magkapatid na Jaime Augusto at Fernando Zobel de Ayala kaugnay sa mga ‘krimeng’ nagawa nila sa mga customer ng Maynilad at Manila Water, ayon kay Duterte.
Matatandaang ilang ulit na binatikos, binalaan at inakusahan ng korapsyon ni Duterte sina MVP at mga Ayala dahil sa pagkabig ng mga ito ng napakalaking tubo mula sa mga negosyante at residente sa Metro Manila na kumukuha sa kanila ng tubig.
Tiniyak pa ng pangulo na sasampahan ng mga kasong kriminal ang nasabing mga oligarko.
Ilan sa mga ikakaso sa kanila ay korapsyon at large-scale estafa.
Natigil ang serye ng pag-upak ni Duterte kina Pangilinan at mga Ayala at sa pag-aari nilang Maynilad at Manila Water noong Pebrero ng kasalukuyang taon nang mabili ni Enrique Razon Jr. ang 25 porsiyentong share of stocks o 820 milyong share ng Manila Water sa halagang P10.7 bilyon. (NELSON S. BADILLA)
149
