DBM NAGLABAS NG MAS MALAKING PERA SA MGA BARANGAY NI QUIMBO

INAPRUBAHAN umano ng Department of Budget and Management (DBM) ang pagpapalabas ng Local Government Support Fund (LGSF) sa 10 sa 16 barangays sa Marikina City na inendorso ni Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo.

Ayon sa mga dokumento mula sa Bureau of the Treasury na lahat ay may petsang Pebrero 18, 2025, pito sa 10 barangay, kasama na ang apat sa distrito ni Quimbo, ang nakatanggap ng iba’t ibang halaga ng LGSF.

Ang tatlong barangay — Parang, Nangka, at Concepcion Dos — ay nakatanggap ng higit sa pinapayagang halaga ng LGSF, kung saan ang bawat isa ay nakatanggap ng P25.97 milyon, P49.58 milyon, at P24.61 milyon, ayon sa pagkakabanggit.

Ang ibang barangay na nakatanggap ay ang Marikina Heights (P4,999,750), San Roque (P4,999,750), Tanong (P4,770,500), Concepcion Uno (P4,999,750), Tumana (P4,999,750), Malanday (P5 milyon), at Fortune (P4,999,750).

Ang mga kapitan sa mga barangay na ito ay kilalang mga tagasuporta ni Quimbo.

Kinuwestiyon naman ng vlogger at kolumnista na si Mark Lopez ang ginawang pag-apruba ng DBM sa pondo para sa tatlong barangay, kahit na lumampas ito sa pinapayagang halaga ng tulong.

Ayon kay Lopez, ang pagpapalabas ng mga pondo ay maaaring ituring na pabor dahil si Quimbo ay kasalukuyang chairperson ng Committee on Appropriations matapos magbitiw si Rep. Zaldy Co.

“Dahil ba jan kaya napa-exempt mo sa limit ng Local Government Support Funding (LGSF) ang tatlong barangay sa Marikina na nabiyayaan ng 5 times more than the limit of P5M per barangay?

Pano mo na-magic na ang Barangay Parang, Nangka, at Concepcion Dos ay nakatanggap ng 25M, 49M at 24M respectively?” wika ni Lopez sa isang post sa Facebook.

Ang pondo’y nakalaan para sa food assistance sa low-income na benepisyaryo, na pinili ng opisina si Quimbo.

Sa ilalim ng 2025 na budget, P18.95 bilyon ang nakalaan para sa LGSF para sa iba’t ibang proyekto, kabilang na ang tulong sa mahihirap na indibidwal o pamilya para sa gamot, pagkain, at edukasyon, at iba pa.

Pinapayagan ng DBM ang mga mambabatas na magrekomenda ng mga lokal na pamahalaan na maaaring makatanggap ng tulong mula sa LGSF.

27

Related posts

Leave a Comment