MGA DAHILAN NG PAGBAGSAK NG PISO KONTRA DOLYAR

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAGSALITA na sa wakas ang Malacañang ukol sa patuloy na pagbagsak ng piso kontra dolyar sa pinakamababang antas nito sa kasaysayan ng bansa matapos na sumadsad ito noong Miyerkoles, Okt. 28, 2026 sa P64.17.

Sa isang panayam, pinakalma ni PBBM ang sambayan at sinabing binabantayan nila ang piso at nagsasagawa na ng mga hakbang upang mapigilan ang pagbagsak nito.

Ang mga hakbang na sinabi ng Pangulo ay ang ginawang pagtataas ng Bangko Sentral sa interest rates at maging ang paglalabas ng dollars mula sa ating reserves upang mapabagal, kundi man mapigilan ang pagbulusok ng piso kontra dolyar.

Tinukoy ng Pangulo ang mataas na presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado bilang isa sa mga dahilan sa paghina ng piso.

Ayon pa sa Pangulo, may sapat na dollar reserves ang bansa para maidepensa ang piso sa paglakas ng dolyar.

Samantala, isinisi naman ng Bangko Sentral ang paglakas ng dolyar sa paghina ng piso na nakaaapekto rin sa ibang currency sa mundo.

Sinabi ni Mr. Sonny Africa ng Ibon Foundation, at isa ring ekonomista, dapat pagtuunan ng pansin ng gobyerno ang agrikultura dahil isa sa mga iniimporta ng bansa ngayon ay agricultural products tulad ng karne, isda, bigas at maging mga gulay.

Ito rin ang tinuran ng isa pang ekonomista na si Prof. Emmanuel Leyco, kung saan sinabi nito na bukod sa pagbabayad ng utang ng bansa, malaki rin ang dolyar na inilalabas natin para mag-importa ng mga agricultural product bukod pa sa langis.

Ipinunto naman ni dating BSP Deputy Governor Diwa Gunigundo ang kakulangan ng foreign investments sa bansa at ginawa nitong halimbawa ang pag-alis ng ilang malalaking negosyo mula sa China at lumipat na lang sa mga kapitbahay natin sa Southeast Asia tulad ng Vietnam, Thailand, at Malaysia.

Nakinabang daw sana ang bansa natin dito kundi lang sa mataas na kuryente dito sa atin, mabagal na internet at maging ang mga pagbaha dulot na rin ng anomalya sa mga proyekto sa flood control.

61

Related posts

Leave a Comment