INILIPAT NA PONDO NG PHILHEALTH, PDIC PINABABALIK NANG BUO

KINALAMPAG ni Senador Loren Legarda ang executive department at mga kapwa mambabatas upang matiyak na maibabalik nang buo ang mga pondong kinuha sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) at inilipat sa ibang programa ng gobyerno.

Iginiit ni Legarda na dapat gamitin ang mga naturang pondo para matupad ng pamahalaan ang tungkulin nitong tiyakin ang sapat na alokasyon para sa serbisyong pangkalusugan at proteksiyon sa mga deposito sa bangko.

Sa PDIC, sinabi ni Legarda na umabot sa P107.23 bilyon ang pondong ipinaremit nito sa National Treasury, na maaari namang gamitin para sa iba pang ahensiya at programa ng gobyerno.

Sa panukalang pambansang badyet para sa 2027, nakapaloob ang pagbabalik sa PDIC ng P57 bilyon o higit kalahati lamang ng naturang halaga. Bukod dito, inilagay pa ang pondo sa unprogrammed appropriations, na nakadepende sa pagkakaroon ng sapat na pondo at pagtupad sa mga itinakdang kondisyon bago ito mailabas.

Samantala, iniutos na ng Supreme Court ang pagsasauli sa PhilHealth ng P60 bilyong ipinaremit sa National Treasury noong 2024.

Gayunman, sinabi ni Legarda na may bilyon-bilyong piso pang dapat maipasa sa PhilHealth mula sa mga buwis sa mga produktong nakasasama sa kalusugan o sin taxes, gayundin mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), alinsunod sa Universal Health Care Act.

Ayon kay Legarda, umaabot sa P106.95 bilyon ang hindi pa nairere-remit ng PCSO at PAGCOR sa PhilHealth.

Dagdag pa niya, aabot naman sa P133.24 bilyon sa susunod na taon ang bahagi ng PhilHealth mula sa sin taxes na dapat i-remit ng pamahalaan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

54

Related posts

Leave a Comment