NUCLEAR POWER MAPANGANIB; RENEWABLE ENERGY IGINIIT

MORONG, Bataan — Mariing tinututulan ng Nuclear-Free Bataan Movement (NFBM) ang pagsusulong ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa enerhiyang nukleyar, iginiit na nakataya rito ang kalusugan, kalikasan at buhay ng mamamayan.

Ayon sa koalisyon ng mga makakalikasan at civil society group, sapat nang babala ang mga malagim na aksidenteng nukleyar sa Fukushima, Japan; Chernobyl, Ukraine; at Three Mile Island sa United States upang pag-isipang mabuti ang paggamit ng naturang teknolohiya sa bansa.

Nag-ugat ang panibagong pagtutol ng grupo sa pahayag ni Pangulong Marcos na nanghihinayang siya sa hindi paggamit sa Bataan Nuclear Power Plant (BNPP), na itinayo noong administrasyon ng kanyang ama.

Lalo pang nabahala ang mga residente matapos kumpirmahin ng Department of Energy (DOE) na bukas ang pamahalaan sa posibilidad na isapribado o i-rehabilitate ang BNPP sa tulong ng pribadong sektor.

Ayon kay Julito Velasco, pangalawang tagapangulo ng NFBM at residente ng Morong, hindi dapat isakripisyo ang kaligtasan ng mga komunidad sa ngalan ng murang enerhiya.

“Hindi maaaring pag-usapan ang murang enerhiya kung nakataya naman ang kaligtasan at kinabukasan ng ating mga komunidad!” ani Velasco.

Binigyang-diin din ng NFBM na hindi garantiya ng kaligtasan ang pagsusulong ng enerhiyang nukleyar, lalo’t matatagpuan ang Pilipinas sa Pacific Ring of Fire, isang sona na madalas makaranas ng lindol at iba pang panganib na dulot ng kalikasan.

Kinuwestiyon din ng grupo ang pangakong makapagbibigay ng murang kuryente ang nuclear power, dahil sa malaking puhunan na kailangan sa pagtatayo ng planta at pagdepende sa inaangkat na uranium bilang gatong.

Sa halip na maglaan ng pondo sa rehabilitasyon ng BNPP, hinimok ng NFBM ang pamahalaan na higit na pagtuunan ang mga renewable energy source gaya ng solar, wind, geothermal at hydropower.

Bilang bahagi ng kanilang pagtutol, halos 200 raliyista ang nagtipon sa harap ng BNPP nitong Martes para sa isang piket at caravan patungong Morong Tourism Center.

Isinagawa ang pagkilos kasabay ng ASEAN Civil Society Conference–Asia People’s Forum (ACSC–APF) Solidarity Caravan na may temang “People Over Power Plants: Defending Democratic Space in the Age of Mega-Projects.”

(JUN VILLARICA)

90

Related posts

Leave a Comment