NLEX-C5 NORTHLINK TOLL-FREE HANGGANG KATAPUSAN NG 2026

INANUNSYO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nitong Huwebes na libre ang toll sa North Luzon Expressway (NLEX) C5 Northlink Segment 8.2 Section 1A, na nagkokonekta sa Quezon City at Valenzuela City, hanggang katapusan ng taon.

Ito ang sinabi ni Pangulong Marcos sa inagurasyon ng two-kilometer segment of NLEX-C5 Northlink, na nag-uugnay sa Mindanao Avenue at Quirino Highway.

“Libre ang pagdaan dito ngayon until end of the year,” ang anunsyo ng Pangulo.

Aniya, ang pagbubukas ng Segment 8.2 Section 1A ay ginawa ng napapanahon para sa Undas exodus para maibsan ang trapiko para sa mga motorista at mga mananakay.

“Kahit maikli lang, dalawang kilometro, napakalaking bagay dahil ang dinadaanan ngayon ay napakalayo bago umiikot at pababa sa surface road, dadaanan ng traffic, siguro 40 to 45 minutes ngayon. Pagbukas nito, 5 minuto na lang,” ang sinabi ng Pangulo.

Tinuran din ng Pangulo na ang MVP Group, sa pakikipag-ugnayan sa SM Group, ay mamumuhunan ng P120 bilyon para sa proyekto na magkokonekta sa Balintawak hanggang sa Bocaue, Bulacan.

“Maglalagay sila ng elevated na daan mula Balintawak hanggang Bocaue. Napakalaking bagay nito dahil ito ay idadaan nila doon sa may highway na ngayon, maglalagay sila ng elevated,” aniya pa rin.

“Ibang-iba ang magiging karanasan, ang traveling experience para sa mga commuter natin kapag natapos na ‘yan. Napakalaking investment na gagawin ng MVP Group at siyempre kasama nila ang SM Group dahil kailangan nilang mag-coordinate,” ang pahayag ng Pangulo.

(CHRISTIAN DALE)

61

Related posts

Leave a Comment