INILUNSAD ng Alliance of Concerned Teachers (ACT), kasama ang mga guro at edukador mula sa mga pampublikong paaralan at state university and college (SUC) sa buong bansa, ang Nationalist Education Day o Pambansang Araw ng Edukasyong Makabayan upang igiit ang kahalagahan ng edukasyong nakaugat sa interes ng sambayanang Pilipino.
Layunin ng inisyatiba na bigyang-diin ang papel ng edukasyon sa pag-unawa sa lumalawak na pakikialam ng mga dayuhan, pagsasamantala sa likas na yaman, pagkasira ng kapaligiran at mga pag-atake sa mapanuring pagkatuto sa mga paaralan sa bansa.
Sa gitna ng paglahok ng Pilipinas sa Pax Silica na pinangungunahan ng Estados Unidos, paghahanda nitong maging punong-abala sa ASEAN Summit at banta ng matinding El Niño, iginiit ng ACT ang pangangailangan ng edukasyong humuhubog sa mga mag-aaral upang maunawaan ang mga puwersang nakaaapekto sa kinabukasan ng bansa at buhay ng mamamayan.
“Karapat-dapat ang mga mag-aaral sa edukasyong nagtuturo sa kanilang magtanong kung sino ang nakikinabang sa paggamit ng mga likas na yaman ng ating bansa, sino ang nagdurusa sa mga epekto ng pagkasira ng kapaligiran, at kaninong interes ang pinaglilingkuran ng ating mga patakarang pang-ekonomiya,” pahayag ni ACT Chairperson Ruby Bernardo.
Nagbabala rin ang grupo na kailangang suriing mabuti ang mga inisyatibang may kaugnayan sa kritikal na mineral, makabagong teknolohiya at estratehikong kadena ng suplay, batay sa interes ng pambansang soberanya at kaunlaran.
Ayon kay Bernardo, mahalagang maunawaan ng mga mag-aaral ang mga ugat na panlipunan at pang-ekonomiya ng mga suliraning pangkapaligiran, lalo na habang nagbabanta ang El Niño sa suplay ng tubig, produksyong agrikultural, seguridad sa pagkain at kabuhayan ng mga Pilipino.
Kabilang sa mga dapat suriin ang mapanirang pagkuha ng likas na yaman, pagkakalbo ng kagubatan at mga patakaran sa pagpapaunlad na inuuna umano ang interes ng mga korporasyon kaysa kapakanan ng mga komunidad.
Ipinahayag din ng ACT ang pagkabahala sa mga pagbabago sa kurikulum na nagpaliit sa pagkakataon ng mga mag-aaral na pag-aralan ang kasaysayan ng Pilipinas at humanidades.
Binigyang-diin ng grupo na mahalaga ang pag-aaral ng kasaysayan, kultura, lipunan at ekonomiyang pampulitika upang malinang ang mapanuring pag-iisip at maunawaan ang mga ugat ng kahirapan, hindi pagkakapantay-pantay, pagdepende sa mga dayuhan at pagkasira ng kalikasan.
Hinamon din ng ACT ang Department of Education (DepEd) na panindigan ang pagkilala nito sa edukasyon bilang mahalagang salik sa katatagan laban sa pagbabago ng klima.
Kinuwestiyon ng grupo ang mga limitasyong ipinapataw sa mga guro kapag tinatalakay sa silid-aralan ang mahahalagang isyung panlipunan, pampulitika at pangkapaligiran.
“Hindi ba mismo ang DepEd ang nagsabing nagsisimula sa de-kalidad na edukasyon ang katatagan laban sa pagbabago ng klima, at na kapag sinasanay natin ang mga bata at binibigyan sila ng tamang impormasyon, nagiging susi ang edukasyon sa pagtugon sa ating mga hamon?” tanong ni Bernardo.
Ayon sa kanya, kailangan pa umanong humingi ng clearance at paunang pahintulot ang mga guro kapag tinatalakay ang tinatawag na mga sensitibong usapin.
Pinaalalahanan din ng ACT ang DepEd na pangalagaan ang kalayaang akademiko at tiyaking hindi lamang pagsasaulo ng impormasyon ang ginagawa sa mga paaralan.
Hinimok din ng grupo ang mga edukador na gawing mga espasyo ng pag-unawa at pagsusuri ang mga silid-aralan upang matulungan ang mga mag-aaral na maunawaan ang kalagayan ng bansa at makapag-ambag sa pagtatayo ng makatarungan, malaya at napapanatiling kinabukasan.
(DANNY QUERUBIN)
68 