DENGUE UMARANGKADA SA BANSA – DOH *Outbreak naitala sa Tanza, Cavite

UMABOT sa 118,785 kaso ng dengue ang naitala mula Enero 1 hanggang Agosto 13, 2022, na mas mataas ng 143% kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon,

Ayon sa datos ng Department of Health (DOH) nairekord ang report nitong Martes.

Base sa National Dengue Data ng DOH noong Agosto 13, mayroong 48,867 kaso na naitala mula Enero 1 hanggang Agosto 13, 2021.

Sa kabuuan, karamihan sa mga kaso ng dengue ngayong taon o 18% ay naiulat sa Central Luzon sa bilang na 21,247.

Sinundan ito ng Central Visayas na may 11,390 kaso (10%), at National Capital Region (NCR) na may 11,064 (9%).

Sa pangkalahatan, nakapagtala rin ng 19,816 kaso ng dengue cases mula Enero 17 hanggang Agosto 13 lamang.

Nanguna sa listahan ng mga rehiyon ang Central Luzon na may pinakamaraming kaso ng dengue sa nagdaang panahon na may 3,457 kaso o 17%.

Sinundan ng NCR na may 3,131 (16%), at ng Cordillera Administrative Region (CAR) na may 2,106 (11%).

Ang death toll sa buong bansa dahil sa dengue ay tumalon na ngayon sa 400, na naglalagay ng 0.3% na kaso ng fatality rate.

Sa mga pagkamatay na ito, 35 ang naganap noong Enero; 31 noong Pebrero; 37 noong Marso; 47 noong Abril; 62 noong Mayo; 74 noong Hunyo; 100 noong Hulyo, at 14 noong Agosto.

Sinabi ng DOH na anim sa 17 rehiyon ang lumampas sa epidemic threshold para sa dengue sa nakalipas na apat na linggo o mula Hulyo 17 hanggang Agosto 13.

Ang mga rehiyong ito ay ang Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, CAR, at NCR. Sa mga rehiyong ito, ang NCR ang nagpakita ng “sustained increase trend” ng mga kaso ng dengue sa parehong panahon, ayon pa sa DOH.

Samantala, nasa outbreak level na ang mga kaso ng dengue sa bayan ng Tanza sa lalawigan ng Cavite matapos na lumagpas sa epidemic curve. 

Paliwanag ni Dr. Ruth Punzalan, Municipal Health Officer ng Tanza, Cavite, ang epidemic curve ay comparison ng mga previous na kaso, ang pinakamataas at kapag lumagpas dito ay maituturing na outbreak level na.

Dagdag pa nito, naging doble ang mga kaso ng dengue sa nasabing bayan kung saan noong 2020 ay 123, noong 2021 ay 109 at nitong 2022 ay 207 bagama’t buwan pa lamang ng Agosto at posibleng dumoble pa at maaaring aabot ng 500 sa pagtatapos ng taon kung hindi ito maagapan.

Nabatid na hindi umano mabisa ngayon ang ‘misting’ dahil nag-uulan kaya ipinapayo nito ang intensive preventive measures.   

Ayon pa kay Punzalan, ang pinakamabisang pagkontrol ay ‘search and rescue’, hanapin at sirain ang pinamumugaran ng mga lamok dahil kung hindi nawawala ang breeding places ng mga lamok ay hindi ito mawawala.

Hinikayat din ni Punzalan ang publiko na magtulong-tulong dahil kinakailangan ang pagkakaisa ng bawat tao, pamilya at komunidad hindi lamang mga opisyales ng pamahalaan. (RENE CRISOSTOMO/SIGFRED ADSUARA)

185

Related posts

Leave a Comment