PLANO ng isang mambabatas na maghain ng panukalang batas para tanggalin ang VAT sa mga pagkain at iba pang bilihin.
Partikular na target ni Gabriela Party-list Rep. Arlene Brosas na matanggalan ng VAT ang tinapay, delata, noodles, asukal, mantika at sabong panlaba na pangunahing konsumo ng mahihirap na mamamayan.
Kasunod ito ng panibagong oil price increase na ipinatupad ng mga kumpanya ng langis nitong Martes na umabot sa P6.10 bawat litro ng diesel.
Bukod sa diesel na bumalik na sa P80 ang presyo ng bawat litro ay nadagdagan din ng P1.40 ang bawat litro ng gasolina.
Ayon kay Rep. Brosas, tiyak na malaki ang epekto ng panibagong big time oil price hike sa pangunahing mga bilihin partikular na ang pagkain.
“Ano pa ang mabibili ng minimum wage na P570 sa ngayon kung tuloy-tuloy ang taas-presyo ng langis at mga bilihin?” ani Brosas kaya hiniling nito na talakayin na ang kanilang panukala na tanggalin ang excise at value added tax (VAT) sa mga produktong petrolyo.
Sinabi ng mambabatas na kung aaprubahan ang nasabing panukala ay bababa sa P6 ang bawat litro ng diesel, P5.65 sa gasolina, P5 sa keronese at iba pang produktong petrolyo.
Malaki umano ang maitutulong nito para makontrol ang presyo ng langis na tuwing tumataas ay ang ordinaryong consumers ang naaapektuhan.
“The President needs to certify as urgent House Bill 400 which scraps the excise tax and value added tax (VAT) on petroleum products,” dagdag pa ng mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)
213 