SUSPEK SA RAPE-SLAY SA LOLA SA RIZAL, ARESTADO

ARESTADO ang isang lalaki sa loob lamang ng 36-oras matapos ang agarang follow-up investigation at hot pursuit operation hinggil sa panghahalay at pagpatay sa isang lola sa Morong, Rizal.

Ayon kay PCol. Eleazar Barber, provincial director ng Rizal Police Provincial Office (Rizal PPO), nangyari ang krimen sa isang madamong lugar noong madaling araw ng Mayo 18, 2026.

Batay sa imbestigasyon, huling nakitang magkasama ang biktima at ang suspek habang nag-iinuman kasama ang pamilya nito bago nagkaroon ng mainitang pagtatalo.

Kalaunan ay natagpuan ang biktima na may matinding pinsala sa ulo at walang suot na pang-ibaba na hinihinalang ginahasa muna bago pinatay.

Sa pinagsanib na pwersa ng Morong Municipal Police Station at Binangonan Municipal Police Station at sa tulong ng mga concerned citizen, mabilis na natukoy ang pinagtataguan ng suspek sa bayan ng Binangonan.

Hindi na nakapalag pa nang posasan ang hindi pinangalanang suspek sa karumal-dumal na panggagahasa at pagpatay sa isang 67-anyos na lola, nang matunton ito noong Mayo 19, 2026.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Morong PNP habang inihahanda ang kaukulang mga dokumento para sampahan ng kasong rape with homicide.

(NEP CASTILLO)

53

Related posts

Leave a Comment