KINUSTODIYA at isinailalim sa pagsusuri ng Philippine Drug Enforcement Agency ang mahigit dalawang kilo ng hinihinalang shabu na laman ng isang abandonadong parcel sa isang customs warehouse sa Pasay City bago magtanghali nitong Martes, Mayo 19.
Sa inisyal na ulat ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group, isinagawa ang interdiction operation bandang alas-11:30 ng tanghali sa DHL Express Philippines sa Cargo Haus Building, Custom Bonded Warehouses.
Ayon sa IADITG, ang nadiskubreng parcel na idineklarang “Plastics and Ropes” ay ipinadala umano ng isang Ms. Khiev Sreymean ng Phnom Penh, Cambodia at naka-consign kay Wenifreda Cruz ng Imus, Cavite.
Nalaman na ang parcel ay naglalaman ng 10 spool ng plastic ropes kung saan nakasilid ang mga transparent plastic bag na nakabalot sa itim na duct tape.
Tumitimbang ito ng mahigit dalawang kilo o 2,102 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P14,293,600.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga nasasangkot na indibidwal sa Pasay City Prosecutor’s Office.
(JESSE RUIZ)
55 