TAHIMIK PERO MULAT

GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN

SA panahon ngayon, sapat nang maging tahimik online para tawagin kang apolitical.

Kapag wala kang shared post tungkol sa isang isyu, walang opinion sa comment section, o hindi ka nakikisabay sa usapan, mabilis nang isipin ng iba na wala kang pakialam sa bansa.

Parang naging sukatan na ng pagiging mulat ang dami ng posts at pagiging maingay sa social media. Pero para sa akin, hindi doon nasusukat ang pagiging politically aware ng isang tao.

Naiintindihan ko kung bakit maraming pinipiling manahimik. Nakapapagod na rin kasi ang pulitika ngayon. Halos bawat usapan nauuwi sa away. Isang maling salita lang, pwede ka nang murahin, i-cancel, o pagtulungan online. May mga taong takot magsalita dahil ayaw nilang mapasama sa gulo. May iba namang pagod na lang talaga sa paulit-ulit na sigawan sa internet. At may mga lumaking ang tingin sa pulitika ay puro pagkakawatak-watak lang sa pamilya at pagkakaibigan.

Pero hindi naman ibig sabihin na kapag tahimik ka, wala ka nang pakialam. Hindi lang naman sa pagiging maingay umiikot ang pagiging political. Pwedeng hindi ka pala-post online pero nakikinig ka sa balita, inuunawa mo ang mga nangyayari, at bumoboto ka nang maayos.

Hindi lahat gustong gawing debate area ang social media. Sa totoo lang, hindi rin naman lahat ng usapan online ay may napupuntahan.

Ang mas delikado para sa akin ay iyong mga taong ipinagmamalaking wala silang pakialam sa pulitika dahil hindi naman daw sila naaapektuhan. Mahirap paniwalaan iyon dahil halos lahat ng mga problema ng ordinaryong tao ay konektado sa pulitika. Presyo ng bilihin, pamasahe, sahod, matrikula, kuryente, ospital, at trabaho, lahat iyan ay apektado ng mga desisyon ng gobyerno. Kahit iyong mga reklamo ng mga tao araw-araw, pulitika rin ang ugat kadalasan.

Mahalaga ring maintindihan na may kinalaman dito ang pribilehiyo. Mas madaling dedmahin ang pulitika kapag komportable ang buhay mo, kahit sino pa ang nasa puwesto.

Pero para sa maraming Pilipino, hindi ganoon kasimple iyon.

Kasabay rin nito, pribilehiyo rin minsan ang pagiging outspoken. Hindi lahat kayang magsalita nang malaya nang walang takot mawalan ng trabaho, masira ang relasyon, o mapahamak.

Kaya para sa akin, hindi dapat ibinabase sa ingay online ang pakialam ng isang tao sa bayan. Pero mahalaga pa ring maging mulat. Hindi kailangang gawing content ang bawat opinyon o sumabay sa bawat trending issue.

Ang mahalaga, alam natin ang nangyayari at naiintindihan natin kung paano tayo naaapektuhan nito. Dahil gusto man natin o hindi, pulitika ang isa sa mga bagay na araw-araw nating dala sa buhay.

48

Related posts

Leave a Comment