SILANG MATATAPANG SA SENADO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

BIBIGYAN daw ng pagkilala ang matatapang sa Senado.

Hindi ‘yun mga senador ha. Kasi hindi sila ang nakitaan ng tapang noong isang linggo. Hindi sila tumakbo palayo kundi palapit kung saan ‘may aksyon’ – sila ang Senate media.

Marami ang napahanga sa mga reporter na nagko-cover sa Senado dahil sa kanilang ipinakitang katatagan at katapangan sa gitna ng gulong nangyari noong isang linggo.

Isa na riyan si Sen. Risa Hontiveros na naniniwalang karapat-dapat ang Senate media para sa isang pagkilala.

Ayon kay Hontiveros sa kanyang paghahain ng Senate Resolution 400, sa information landscape ngayon na kinokompromiso ng mga online disinformation at covert influence operations, ang impartial reporting ng Senate media ay nagsisilbing mahalagang haligi ng katotohanan at pagprotekta sa integridad ng demokrasya sa panahon ng national crisis.

Konektado pa rin ito sa nangyaring gulo sa Senado noong isang linggo matapos ang biglaang pagsulpot ni Senador Bato dela Rosa na ngayon ay malinaw na ang motibo ay para sa pagpapalit ng liderato.

Sa totoo lang, hindi madaling maging mamamahayag, lalo na sa Pilipinas. Sa loob ng maraming dekada, ang ating bansa ay patuloy na napapasama sa listahan ng mga pinakadelikadong lugar sa mundo para sa mga alagad ng sining at balita. Ngunit sa kabila ng takot, may mga sandali na nagpapaalala sa atin kung bakit nananatiling matatag ang ating mga mamamahayag—at kamakailan lamang, nasaksihan natin ito mismo sa loob ng Mataas na Kapulungan.

Sa loob ng tatlong minuto, umalingawngaw ang mga putok ng baril na nagdulot ng matinding takot at panic. Sa mga oras na iyon, normal lamang sa sinoman ang tumakbo at magtago para sa sariling kaligtasan. Ngunit ang mga kasapi ng Senate media ay nanatili. Sa kabila ng panganib sa loob at labas ng gusali, hindi binitawan ng mga reporter ang kanilang mga camera, ballpen at notebook, at mikropono. Ipinakita nila ang rurok ng propesyonalismo upang iulat ang totoong nangyayari.

Ang kabayanihang ipinamalas sa Senado ay salamin ng mas malawak na sakripisyo ng media hindi lang sa Pilipinas kundi sa buong mundo. Ngayong digital era, mayroon na ring ilang pagbabago sa mukha ng panganib na kanilang kinakaharap araw-araw.

Nariyan ang banta mula sa cyberbullying at troll armies, ang legal harassment at red-tagging at ang pisikal na karahasan at digmaan.

Mula sa malagim na Masaker sa Maguindanao noong 2009 hanggang sa mga reporter na pinaslang sa gitna ng mga giyera sa Gitnang Silangan, ang malayang mamamahayag ay tila naging isang target.

Kapag pinatatahimik ang media, para na ring pinapatay ang karapatan ng taumbayan na malaman ang katotohanan.

Ang parangal mula sa Senado ay isang magandang hakbang, ngunit hindi ito sapat kung tayo, bilang mamamayan, ay mananatiling miron lamang. Ang pagtatanggol sa mga mamamahayag ay pagtatanggol din sa sarili nating kalayaan at sa ating right to information.

63

Related posts

Leave a Comment