DHSUD, PINAGPAPALIWANAG SA 4 NA TAONG PAGKABINBIN NG MGA SULIRANIN SA PABAHAY NG MARALITANG LUNGSOD

QUEZON CITY — Tinatayang 500 lider at kasapi ng mga organisasyong kabilang sa Urban Poor Action Committee (UPAC), na kumakatawan sa mga komunidad sa Metro Manila, Rizal at Bulacan, ang nagdaos ng piket sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) upang igiit ang pagharap ng kalihim at kongkretong aksyon sa matagal nang mga suliranin sa lupa at pabahay.

Bilang bahagi ng World Habitat Month at National Shelter Month, hiniling ng UPAC sa DHSUD na tugunan ang mga problemang hindi pa nareresolba sa mga komunidad, tuparin ang mga pangako ng pamahalaan at tiyaking tumutugon sa pangangailangan ng mga pamilyang mababa ang kita at maralitang lungsod ang mga programa at patakaran sa pabahay.

Sa kabila ng apat na taong pakikipag-ugnayan sa DHSUD sa pamamagitan ng Technical Working Group (TWG), marami pa rin umanong suliranin ng mga komunidad ang hindi nareresolba.

Ayon kay Malu Mendoza ng Community Organizers Multiversity (COM), nakaaapekto sa pagpapatuloy ng mga talakayan at pagpapatupad ng mga napagkasunduan ang madalas na pagpapalit ng mga kinatawan ng ahensya. Wala rin umanong sapat na kapangyarihang magpasya ang mga itinalagang miyembro ng TWG sa mahahalagang usapin tungkol sa lupa at pabahay.

Dahil dito, nanawagan ang grupo ng tuwirang pakikipag-usap kay DHSUD Secretary Engr. Jose Ramon “Ping” Aliling at sa iba pang opisyal na may kapangyarihang magpasya upang maresolba ang mga problema sa pagpopondo at makapagtakda ng malinaw na iskedyul ng mga kinakailangang hakbang.

Para kay Jonjon Elago, pangalawang pangulo ng Ugnayang Lakas ng mga Apektadong Pamilya (ULAP), hindi lamang dami ng mga pulong ang mahalaga kundi ang mga konkretong pagbabagong naidudulot ng mga ito sa buhay ng mga apektadong pamilya.

“Dapat ay inilapit na tayo ng apat na taong pakikipag-ugnayan sa mga solusyon. Gayunman, marami pa ring pamilya ang naghihintay ng sagot tungkol sa lupang kanilang tinitirhan, sa kanilang People’s Plans at sa katiyakan ng kanilang paninirahan. Hindi sapat ang mga pulong at paulit-ulit na talakayan. Kailangan natin ng mga opisyal na may kapangyarihang magpasya, malinaw na takdang panahon at kongkretong pagkilos upang tuparin ang mga pangakong binitiwan sa ating mga komunidad,” pahayag ni Elago.

Pabilisin Pagpapatupad ng mga Proklamasyon sa Lupa

Isa sa mga pangunahing isyung inilapit ng UPAC ang matagal na pagkaantala sa pagpapatupad ng mga proklamasyon ng pangulo na naglalaan ng mga lupain para sa panlipunang pabahay.

Sa kabila ng mga pangako ng pamahalaan, maraming komunidad ang ilang taon, at maging ilang dekada, nang naghihintay sa pagkumpleto ng mga prosesong kailangan upang maipagkaloob ang lupa sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Nanawagan ang UPAC na magpatibay ng batas na magpapabilis sa pagpapatupad ng mga proklamasyon ng pangulo, magtatakda ng malinaw na mga pamamaraan at takdang panahon, at maglilinaw sa pananagutan ng mga ahensyang sangkot sa proseso.

Hinimok din ng grupo ang pamahalaan na unahin ang mga kasong matagal nang nakabinbin at maaaring makinabang dito ang libu-libong pamilya.

Para sa mga pamilyang sariling pagsisikap ang ginugol sa pagtatayo at pagpapabuti ng kanilang mga tahanan, ang pagkakaroon ng katiyakan sa paninirahan ay magbibigay ng higit na seguridad at pagkakataong patuloy na mapabuti ang kanilang kalagayan ayon sa kanilang kakayahan.

Binigyang-diin ni Jeorgie Tonelete, pangulo ng Koalisyon ng mga Organisadong Samahan ng Maralitang Taga-lungsod (KOSMAT), ang pangangailangang kumpletuhin ng pamahalaan ang mga proseso upang makinabang ang mga kuwalipikadong pamilya sa mga proklamasyon sa lupa.

“Matagal nang naghihintay ang aming mga komunidad na kumilos ang pamahalaan hinggil sa mga proklamasyon ng lupa na nilayong magbigay sa amin ng katiyakan sa paninirahan.

Hindi dapat matapos sa paglalabas ng proklamasyon ang proseso. Kailangang kumpletuhin ng pamahalaan ang mga kinakailangan upang tuluyan nang makinabang sa mga pangakong ito ang mga kuwalipikadong pamilya. Kailangan namin ng malinaw na takdang panahon upang malaman ng aming mga komunidad kung kailan at paano tutuparin ang mga pangakong ito,” pahayag ni Tonelete.

4PH Dapat Tumugon sa Pangangailangan ng Mahihirap

Ipinahayag din ng UPAC ang pangamba nito sa Pambansang Pabahay para sa Pilipino Program (4PH), dahil hindi umano kayang tustusan ng maraming pamilyang maralitang lungsod ang pabahay sa ilalim ng kasalukuyang pamamaraan ng programa.

Ayon sa grupo, higit na napakikinabangan umano ng programa ang mga pamilyang may katamtaman hanggang mataas na kita at mas may kakayahang magbayad para sa pabahay. Iginiit ng UPAC na dapat unahin ang mga pamilyang walang kakayahang bumili o makakuha ng disenteng at ligtas na tahanan.

Hinihimok ng grupo ang pamahalaan na bigyang-prayoridad ang mga solusyon sa pabahay na mas abot-kaya at angkop sa kalagayan ng mga maralitang pamilya, kabilang ang pagpapaunlad sa mismong lugar na tinitirhan ng mga komunidad (on-site development), pagpapaunlad sa loob ng lungsod (in-city development) at mga planong pabahay na binuo ng mga mamamayan (People’s Plans).

Dapat ding tiyakin ng mga solusyong ito ang akses sa kuryente, malinis na tubig, pasilidad pangkalusugan, kabuhayan at iba pang pangunahing serbisyo.

Binigyang-diin ng UPAC na kailangang tumugon ang mga patakaran sa pabahay sa tunay na kakayahang pinansyal at pangangailangan ng mga pamilyang maralitang lungsod upang hindi sila maiwan sa mga programa ng pamahalaan.

Ayon sa grupo, hindi lamang pagkakaroon ng bahay ang mahalaga kundi pati ang makabuluhang pakikilahok ng mga maralitang pamilya sa mga pagpapasyang nakaaapekto sa kanilang buhay at komunidad.

Giit ng UPAC, hindi dapat mauwi sa simpleng paggunita ang National Shelter Month. Sa halip, dapat nang itigil ng pamahalaan ang umano’y “ghosting” sa mga maralitang lungsod at isalin sa kongkretong pagkilos ang mga pangako nito sa pabahay.

(JUN VILLARICA)

79

Related posts

Leave a Comment