VACC, NANAWAGAN SA KORTE SUPREMA NA SIGURADUHIN PAG-UPLOAD NG E-WARRANT SA MGA KORTE

NANAWAGAN ang Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) sa Korte Suprema na tiyakin ang maayos at napapanahong pag-upload ng mga electronic warrant o e-warrant sa mga korte sa buong bansa upang mapabilis ang pagpapatupad sa mga ito ng mga law enforcement agency.

Inihayag ng VACC ang panawagan kasabay ng pagsasampa ng reklamong perjury laban kay Judge Alvin Landicho ng Municipal Trial Court sa Santa Rosa, Laguna.

Ayon sa complainant na si Monalie Dizon, anim na taon na umanong hindi naia-upload ang e-warrant na hinihintay ng mga awtoridad upang maipatupad ito.

Personal na sinamahan ni VACC Chairman Manny Obedoza si Dizon sa paghahain ng reklamo laban sa hukom.

Binigyang-diin ni Dizon na hindi niya hangad na lumaki pa sa pambansang antas ang usapin, kundi nais lamang niyang makamit ang katotohanan at hustisya.

Sinubukan ng media na kunin ang panig ni Judge Landicho, ngunit wala ito sa kanyang tanggapan dahil naka-leave umano, ayon kay Mario Catindig Jr. ng City Cultural Affairs Office ng Santa Rosa City, na nagtungo sa opisina ng hukom upang alamin kung maaari itong makapanayam.

Samantala, tumangging magbigay ng pahayag si Santa Rosa Acting Chief of Police Police Lt. Col. John Paolo Carracedo hinggil sa usapin ng e-warrant.

Ayon kay Carracedo, ipauubaya na niya sa korte ang usapin ngayong naisampa na ang reklamo sa piskalya. Kailangan din umano niyang humingi muna ng clearance sa nakatataas sa kanya bago magbigay ng paglilinaw sa isang press conference.

70

Related posts

Leave a Comment