HENRY ALCANTARA MARAMI RAW KONDISYON PARA SA PAGTESTIGO?

RAPIDO ni PATRICK TULFO

GAANO kaya katotoo ‘yung kuwentong natanggap ko kung saan ito raw si dating Bulacan First Engineer Henry Alcantara ay nagdidikta sa Department of Justice (DOJ) kung magkano lang ang perang ibabalik nito sa gobyerno na naging kickback niya sa mga anomalya sa flood control projects sa lalawigan ng Bulacan at kung ano lang ang mga impormasyon na kanyang isisiwalat ukol sa mga nalalaman nito.

Hindi ba dapat ay walang negosasyon kung magkano ang perang dapat na ibalik ni Alcantara sa bayan, na naging parte niya sa korupsyon pati na ang kanyang mga nalalaman sa isyu bilang mga kapalit sa pagsasailalim sa Witness Protection Program?

Ang huling balita kay Alcantara ay wala pa sa kalahati ang naibalik nitong pera sa umano’y naging parte nito sa mga maanomalyang flood control projects sa Bulacan.

Sa pinakahuling testimonya nito sa ginaganap na pagdinig sa Sandiganbayan ukol sa mga kasong kinahaharap nina dating House Speaker Martin Romualdez at dating Sen. Ramon Bong Revilla Jr., kinumpirma ni Alcantara ang pag-iral ng kickbacks sa infrastructure at flood control projects sa DPWH sa matagal na panahon. Pero lumaki raw ang kickbacks noong panahon ni dating House Speaker Romualdez mula 20% papunta sa 25% sa utos daw ni dating Congressman Zaldy Co na nagtatago pa rin magpasa-hanggang ngayon.

Inulit din ni Alcantara ang mga nauna nang naisiwalat sa Senado kung paano idiniliber ang pera sa tahanan ni Romualdez, kung saan dati raw ay inilalagay sa plastic containers na bumibigay dahil sa bigat ng pera kaya inilipat na ito sa mga maleta sa suhestiyon na rin daw ng dating aide ni Co na si John Paul Estrada.

Muli ring naungkat ang “secret room” sa opisina ni Alcantara sa DPWH District Office sa Bulacan kung saan binibilang at inaayos ang mga kickback at kung saan sinisira ang mga ebidensya tulad ng deposit receipts.

65

Related posts

Leave a Comment