TAMANG HAKBANG NG BIR

ON THE LEVEL ni JUNEX DORONIO

HINDI lahat ng regulasyon ng pamahalaan ay kailangang ipilit hanggang dulo, lalo na kung may mga lehitimong pangamba ang mamamayang direktang maaapektuhan nito.

Kaya nararapat lamang kilalanin ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa pagsususpinde ng mandatoryong pagpapaskil ng registration seal at badge para sa mga online seller at content creator.

Sa halip na magmatigas, pinili ng BIR na repasuhin ang implementasyon ng patakaran. Isang hakbang na dapat maging normal sa pamamahala: makinig sa publiko, suriin ang mga problema at magwasto kung kinakailangan.

Ito rin ang pananaw ng DISKARTE Para sa Pamilya at Bayan, na naniniwalang dapat magkasabay ang makatarungang pagbubuwis at pagsuporta sa mga Pilipinong naghahanapbuhay.

Sa panahon ngayon, mahalagang bahagi na ng kabuhayan ng maraming pamilya ang online selling, content creation at freelancing.

May mga nagbebenta sa Facebook upang madagdagan ang kita, may mga freelancer na nagtatrabaho mula sa bahay, at may mga content creator na nagsisikap pagkakitaan ang kanilang talento.

Hindi lahat ay may malaking kapital, sariling opisina o kakayahang kumuha ng accountant at legal adviser.

Para sa marami, ang maliit na kita mula sa internet ay malaking tulong na sa pambayad ng renta, pagkain at pag-aaral ng mga anak.

Hindi nangangahulugang dapat silang maging exempted sa buwis. Kung may obligasyon silang magparehistro at magbayad ng nararapat na buwis, tungkulin nilang sumunod sa batas.

Ngunit may malaking pagkakaiba ang pagpapatupad ng batas at ang pagpapataw ng mga obligasyong maaaring maging hindi kinakailangang pasanin sa maliliit na negosyante.

Dito kailangang maging maingat ang BIR.

Ang pagsususpinde sa mandatoryong seal at badge ay pagkakataon upang linawin ang mga tuntunin, tugunan ang mga pangamba sa data privacy at tiyaking praktikal ang anomang susunod na sistema.

Mahalaga ring tandaan na ang tiwala ng taxpayer ay may malaking papel sa epektibong pangongolekta ng buwis. Mas madaling mahikayat ang mamamayang sumunod sa batas kung nakikita nilang makatarungan ang sistemang ipinaiiral sa kanila.

Sa puntong ito, tama ang naging hakbang ng BIR. Ang pakikinig sa mga hinaing ay hindi kahinaan, at ang pagrepaso sa isang patakaran ay hindi awtomatikong pag-amin ng pagkabigo. Maaari itong maging tanda ng responsableng pamamahala.

Para sa DISKARTE Para sa Pamilya at Bayan, ang hamon ngayon ay tiyaking magbubunga ang pagsususpinde ng mas malinaw, makatarungan at madaling sunding mga tuntunin.

Hindi sapat na pansamantalang ihinto ang isang patakaran kung mananatiling malabo ang mga obligasyon ng mga taxpayer.

Sa pagbubuwis, kailangang magkasabay ang pananagutan at pagiging makatarungan. May obligasyon ang mamamayan sa pamahalaan, ngunit may obligasyon din ang pamahalaan na tiyaking hindi nagiging hadlang sa marangal na paghahanapbuhay ang mga regulasyon nito.

Sa huli, ang mahusay na pamamahala ay hindi nasusukat sa dami ng regulasyong naipatutupad kundi sa pagiging patas at kapaki-pakinabang ng mga ito sa mamamayan.

Kaya sa pagkakataong ito, nararapat kilalanin ang BIR sa pamumuno ni Commissioner Charlito Mendoza sa pakikinig sa publiko.

Umaasa ang DISKARTE na ang hakbang na ito ay susundan ng mga patakarang magtataguyod sa tamang pagbabayad ng buwis nang hindi isinasakripisyo ang kapakanan ng maliliit na negosyante at ordinaryong Pilipino.

Dahil ang layunin ng pagbubuwis ay palakasin ang kaban ng bayan, kasabay ng pagtataguyod sa kabuhayan ng mga pamilyang Pilipinong nagsisikap umunlad.

***

Para sa reaksyon, email doroniojunex777@gmail.com

61

Related posts

Leave a Comment