PARANGAL SA MALOLOS, BUNGA NG SOLUSYONG MAY PAKINABANG SA MAMAMAYAN

TARGET ni KA REX CAYANONG

ISANG mahalagang pagkilala ang natanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Malolos sa 2026 Galing Pook Awards sa pangunguna ni Mayor Atty. Christian D. Natividad.

Ang parangal ay para sa North Manila Bay Nature-based Solutions Pilot Project sa Barangay Pamarawan, na gumagamit ng mga materyales mula sa kalikasan upang makatulong na mabawasan ang epekto ng malalakas na alon at pagbaha sa komunidad.

Hindi lamang ito tungkol sa pagkilala sa isang proyekto. Mas mahalaga ang layunin nitong protektahan ang mga residente at makatulong sa kanilang kabuhayan.

Sa Barangay Pamarawan, malaking problema ang malalakas na alon tuwing may bagyo at habagat.

Dahil dito, kailangan ang mga solusyong angkop sa kalagayan ng lugar at sa pangangailangan ng mga taong naninirahan dito.

Sa proyektong ito, ginagamit ang mga balat ng talaba at coconet bilang bahagi ng mga istrukturang nagpapahina sa mga alon bago umabot sa komunidad.

May dagdag na pakinabang din ito sa mga residente dahil nagkakaroon sila ng pagkakataong makibahagi sa proyekto.

Ang pagdami ng lamang-dagat ay maaari ring makatulong sa mga pamilyang umaasa sa pangingisda.

Sa ilalim ng pamumuno ni Mayor Natividad, ang ganitong pagkilala ay pagkakataon upang higit pang palawakin ang mga programang tumutugon sa aktuwal na problema ng mga Maloleño.

May mga lumalabas na survey na isinasama ang pangalan ni Natividad sa mga posibleng tumakbo bilang gobernador ng Bulacan.

Gayunman, sa kasalukuyan, Malolos ang lungsod na kanyang pinamumunuan at dito nakatuon ang mga tungkulin at proyektong kailangang tapusin.

Anoman ang maging usapin sa susunod na halalan, mahalagang ang kasalukuyang trabaho ang manatiling prayoridad. Ang mga proyektong nasimulan ay dapat maipagpatuloy at ang mga pangangailangan ng mga residente ay hindi mapabayaan.

Ang pagkilala ng Galing Pook ay dapat ding maging hamon sa pamahalaang lungsod na patuloy na pagbutihin ang mga programa, lalo na sa pangangalaga sa kapaligiran, paghahanda sa sakuna at paglikha ng kabuhayan.

Aba’y sabi nga, ang tunay na halaga ng isang parangal ay makikita sa pakinabang nito sa mamamayan.

Para sa Malolos, ang proyekto sa Pamarawan ay isang hakbang na maaaring magsilbing halimbawa ng pagsasama ng pangangalaga sa kalikasan at pagtulong sa komunidad. Karangalan ito ng Malolos at ng mga residenteng nakikibahagi sa pag-unlad ng kanilang lungsod.

At para kay Mayor Christian Natividad, ang hamon ngayon ay ipagpatuloy ang ganitong mga programa at manatiling nakatutok sa Malolos at sa kapakanan ng mga Maloleño.

68

Related posts

Leave a Comment