PINAGHAHANDA ng Department of Health (DOH) ang publiko sa posibleng mga aftershock at banta ng tsunami kasunod ng magnitude 7.5 na lindol na yumanig sa Davao Oriental.
Kabilang sa mga ipinapayo ng DOH ang paghahanda ng first aid kit at Go Bag na naglalaman ng tubig, pagkain, gamit sa pagtulog, at mga hygiene essentials.
Ayon sa DOH, mahalagang magkaroon ng Go Bag upang magamit kung sakaling kailangang lumikas dahil sa mga aftershock o tsunami. Makikita ang kumpletong listahan ng laman ng Go Bag at iba pang paalala sa opisyal na Facebook page ng kagawaran.
Samantala, hindi muna gagamitin ang ilang hospital building sa mga lugar na apektado ng malakas na lindol sa Davao Region.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, magtatayo muna ng mga tent sa labas ng mga ospital upang pansamantalang pagdalhan ng mga pasyente habang isinasagawa ang damage at integrity assessment bago ideklarang ligtas ang mga gusali.
Sa ngayon, inaantay pa ng DOH ang ulat mula sa kanilang mga field officials sa Davao hinggil sa lawak ng pinsala ng lindol sa mga government health facilities.
(JULIET PACOT)
107
