PINALAGAN ni Senador Nancy Binay ang Department of Health (DOH) sa kawalan ng pondong inilaan sa Cancer Assistance Fund (CAF) na nilikha sa ilalim ng National Integrated Cancer Control Act (NICCA).
Sa pahayag, sinabi ni Binay, pangunahing awtor ng naturang batas na walang espisipikong item sa badyet ng DOH para sa CAF sa taong 2021.
“More than a year has passed since napirmahan yung Implementing Rules and Regulations ng NICCA pero hanggang ngayon parang hindi pa rin ramdam ng mga cancer patients ang tulong na ipinangako ng batas,” ayon kay Binay.
Dahil dito, hiniling ni Binay sa DOH na pabilisin ang implementasyon ng NICCA upang maramdaman naman ng pasyenteng may kanser ang tulong ng pamahalaan.
“Bakit po walang item for Cancer Assistance Fund which is part of the law?” tanong ni Binay sa ginanap na pagdinig hinggil sa badyet ng DOH.
“Baka we can put a small amount para naman hindi maging zero yung cancer assistance fund?” giit niya.
Sinabi ng DOH na naglaan sila ng P535 milyon para sa CAF pero kailangan pang aprubahan ng Department of Budget and Management (DBM).
Ipinangako naman ni Health Secretary Francisco Duque na susuriin ng ahensiya kung makakukuha sila ng pondo mula sa medical assistance fund upang tulungan ang mga pasyenteng may kanser.
Sumang-ayon si Binay sa suhestiyon pero inabisuhan ang health department na magtakda muna ng malinaw na guidelines kung paano makakukuha ng tulong ang mga indigent cancer patient upang walang maging problema ang DOH.
Layunin ng NICCA, isang complementary law ng Universal Health Care na tulungan ang mga cancer patient na makakuha ng kinakailangang health services upang bawasan ang gastusin nila. (ESTONG REYES)
